Binatilyo, ni-rape ni teacher

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Arestado ang 24-anyos na English teacher ng isang unibersidad sa Cebu City nang mahuli sa aktong nakikipagtalik sa kanyang 17-anyos na lalaking estudyante sa loob ng isang lodging house, nitong Lunes.

BINATILYO_ONLINE

Ayon kay Police Capt. Armando Labora, hepe ng Parian Police Station, inakusahan ang guro na pinilit ang estudyante na makipagtalik sa kanya.

“According to the student, he was threatened by his teacher that he will be given failing grades in his subject if he will not have sex with him,” ayon kay Labora.

Sinabi ni Labora na lingid sa guro na bago sila mag-checked in, dumulog ang estudyante sa police station upang isumbong ang magaganap na pang-aabuso.

Unang nagpasaklolo ang senior high school student sa kanyang ama, na natungo sa Parian Police Station upang magsampa ng reklamo laban sa guro.

Sa ganap na 9:00 ng umaga nitong Lunes, pumayag ang estudyante na mag-checked in sila ng suspek sa isang lodging house malapit sa Parian Police Station at sa unibersidad kung saan nagtuturo ang suspek.

Ilang minuto matapos na mag-checked in ang guro at estudyante, pumasok ang mga pulis at inaresto ang suspek.

Hindi nakapalag ang suspek sa mga pulis, ayon sa awtoridad.

Hindi pinangalanan ang suspek at ang unibersidad habang patuloy ang proseso sa pagsasampa ng kaso.

Kakasuhan ang suspek sa paglabag sa RA (Anti-Sexual Harassment Act of 1995) at RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).

-Calvin D. Cordova