Via Dolorosa: Paalaala sa sakripisyo ni Hesus

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

ISA sa mga nakagawiang paraan ng paggunita ng mga Katoliko sa Pilipinas at maging sa ibang mga bansa tuwing Semana Santa ang pagsasailalim sa debosyon ng Ang Daan ng Krus o Station of the Cross.

Kilala rin sa tawag na Via Dolorosa o Way of Sorrows, malalim na binibigyan ng pagninilay ng isang mananampalataya ang huling mga sandali ng paglalakbay ni Jesus sa mundo sa pamamagitan ng 14 na istasyon o pagtingin sa mga imahe na naglalarawan ng mga kaganapan sa paghihirap ni Jesus hanggang sa Siya ay ipako sa krus at mamatay.

Tradisyunal na ginagawa sa mga simbahan, na kalimitang isinasagawa ng mga Pilipino kapag Biyernes Santo o bago ang pagkamatay ni Jesus, ang paraan ng debosyon na ito ay nabago rin sa paglipas ng panahon.

Ayon sa tradisyon, araw-araw na binibisita ni Maria ang mga lugar na dinaanan ni Hesus. Matapos gawing legal ni Constantine ang Kristiyanismo noong 312, minarkahan ang mga daang ito sa mahahalagang istasyon. Nasaksihan ni St. Jerome (342-420), na naninirahan sa Bethlehem, ang pagdagsa ng mga peregrino mula sa iba’t ibang bansa na bumisita sa mga banal na lugar at sinusunson ang Daan sa Krus.

Sa ikalimang siglo, nagkaroon ng interes ang simbahan upang gayahin ang mga banal na lugar sa ibang mga lugar para makapagdebosyon, sa ispiritwal na paraan, ang mga peregrino na walang kakayahang maglakbay o pumunta sa Banal na Lupain o Holy Land.

Unang ginamit ang salitang “stations” bilang pagtukoy sa mga lugar sa Via Sacra o Holy Way sa Jerusalem, na ginamit ng isang Ingles na peregrino sa kanyang salaysay nang bumisita siya sa Jerusalem. Inilarawan ni William Wey ang mga manlalakbay na sinusundan ang mga yapak umano ni Hesus patungo sa Krus. Noong 1521, isang aklat na may titulong “Geystlich Strass” ang inilimbag kasama ng ilustrasyon ng mga istasyon sa Banal na Lupain.

Nang mga panahong ito, iba-iba ang bilang ng mga istasyon. Lima lang mula sa 14 na istasyon na inilarawan ni Wey ang ginagamit natin sa kasalukuyan. Noong 1584, isang aklat na isinulat ni Adrichomius na may titulong Jerusalem “sicut Christi Tempore floruit”, ang nagbigay sa 12 istasyon na tumutugma sa kasalukuyang bersiyon. Habang noong ika-16 na siglo, isang debosyonal na aklat ang lumabas kung saan mayroon itong 14 na istasyon na may kasamang mga panalangin sa bawat isa.

Sa huling bahagi ng 17-siglo, naging mas popular ang pagtatayo ng mga istasyon sa simbahan. Noong 1686, napag-isipan ni Pope Innocent XI, na kakaunting mananampalataya lang ang may kakayahan na pumunta sa Holy Land dahil sa ‘Moslem oppression’, kaya naman pinahintulutan niya ang pagtatayo ng mga istasyon sa lahat ng simbahan.

Taong 1731 nang ipinahintulot ni Pope Clement XII ang paglikha ng 14 na istasyon sa lahat ng simbahan. Pagsapit ng 1742, ipinag-utos naman ni Pope Benedict XIV sa lahat ng pari ang pagkakabit ng Station of the Cross sa kanilang mga Simbahan kasama ng 14 na krus na kalimitang sinasamahan ng mga imahe ng partikular na istasyon.

Paglipas ng panahon, higit pang lumaganap ang paraan ng ganitong debosyon, habang nakatulong ang mga imahe upang mapagnilayan ng mga mananampalataya ang kaganapan ng mga naging paghihirap ni Kristo hanggang sa kanyang kamatayan.

Sa kasalukuyan, isa ito sa pinakapopular na debosyon para sa mga Katoliko. Dito sa atin sa Pilipinas, ilan sikat na lugar ang dinadayo dahil sa mga Station of the Cross, kabilang ang Calvary Hill, Our Lady of Lourdes Grotto, sa San Jose Del Monte City, Bulacan; “Banal Na Bunduk Dalan Ning Krus” sa Mt. Arayat, Magalang, Pampanga; at “Kamay ni Jesus” sa Lucban, Quezon.

-MYCA CIELO M. FERNANDEZ