Solid San Juan, pinataob ng Taguig

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro sa Martes

(Caloocan Sports Complex)

4:00 pm – Valenzuela vs Pasig

5:30 pm – Manila vs Pateros

7:00 pm – Caloocan vs Bacoor

NADEPENSAHAN ng Taguig ang kanilang homecourt kontra sa Solid San Juan makaraang itarak ang 89-83 panalo sa Metro League (Reinforced) Second Conference sa Hagonoy Sports Complex sa Taguig.

Tinapos ng Generals ang laban sa pamamagitan ng 13-3 run upang makabalikwas mula sa 76-80 na pagkakaiwan at makopo ang ikalawang sunod na panalo para mamuno sa Southern Division.

Apat na manlalaro ang tumipa ng double figures para sa Taguig sa pamumuno ng dating pro-cager na si Jonathan Uyloan na may 19 puntos, bukod pa sa pitong assists at limang steals.

Sinundan siya si import Emmanuel Ojoula na may double-double 14 puntos at 14 rebounds at Kevin Oliveria na may 10 puntos para sa Generals.

Ang kabiguan ang ikalawang sunod para sa San Juan na pinangunahan ni Michael Canete na may 21 puntos, 4 rebounds at 2 assists.

Dahil sa kabiguan, bumagsak ang San Juan sa markang 1-2 sa Southern Division ng ligang suportado ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Basketball Association (PBA).

Nauna rito, naitala ng Quezon City Junior Capitals ang ikalawang sunod na panalo matapos gapiin ang winless pa ring Manila-INGCO, 83-76 sa pangunguna ni JJ Espanola na umiskor ng game-high 24 puntos.

Dahil sa panalo, umangat ang Quezon City sa 2-1 sa Northern Division.

Namuno si James Castro para sa Manila na bumaba sa markang 0-2 sa itinala nitong 22 puntos.

-Marivic Awitan