Inokray na Palo Penitentes, idinepensa

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Pati nagpepenitensiya, hindi nakaligtas sa bashers—Semana Santa pa rin, uy!

Palo Penitentes

Palo Penitentes

Hinimok ni Department of Tourism-Region 8 Director Karen Tiopes ang mga netizens na irespeto ang iba’t ibang kultura at tradisyon sa bansa, kasunod ng pang-ookray na inabot sa social media ng “Tais-dupol”, isang all-male hooded religious group ng mga nagpepenitensiya sa Palo, Leyte.

“While I understand that the costumes worn by our Penitentes are similar to the ones worn by the Klu Klux Klan, we hope that instead of bashing, they try to find out the beginnings of this age old tradition,” saad sa pahayag ni Tiopes.

Batay sa kasaysayang ibinahagi ng yumaong Palo archbishop na si Msgr. Benjamin Bacierra, may mga Pilipino nang naninirahan sa Palo nang dumating doon ang mga Espanyol noong 1521.

Taong 1768 nang maging kabisera ng Leyte ang Palo, nang humiwalay ang Samar sa Leyte.

Marami nang relihiyosong tradisyon sa Palo, alinsunod na rin sa naging impluwensiya ng mga misyonerong Augustinian, Jesuit, at Franciscan.

“Among the town’s practices during Lent is the reenactment of Christ’s passion around Palo. The Penitentes take their root from the Penitentes or Nazareños – men and women wearing cone-shaped hoods that cover their faces. As a form of sacrifice, they carry religious statues and icons in daily processions of the weeklong celebration of the Semana Santa of Andalusia, Spain which dates back to the 15th century,” sulat ni Bacierra.

Taong 1894 nang binuo ni Fr. Pantaleon de la Fuente, paring Franciscan at tubong Spain, ang grupo ng mga Penitentes. Nagsilbing kura paroko ng Palo ang Espanyol simula 1887 hanggang 1898.
Para maging mas damang-dama ang pagpepenitensiya, nag-order si de la Fuente mula sa Barcelona, Spain, ng ilang sculptured figures ng pagpapahirap kay Kristo—at ng tatlong kulay ng robe para sa pawang lalaking miyembro ng Palo Penitentes.

Ang nasabing mga robes ay tulad ng sa Klu Klux Klan sa Amerika. Mayroon din silang takip sa mukha—na kundi matulis (tais) ay putol (dupol)—na may magkabilang butas sa tapat ng mata.

Naglilibot nang nakayapak, kumokolekta ang mga Penitente ng donasyon mula sa mga deboto para magastos nila sa taunang dulang pang-Kuwaresma.
Sa kabila ng mga bashing, iginiit ni Tiopes na hindi nila babaguhin ang costumes ng Penitentes.

-Marie Tonette Marticio