‘Dayaan’ sa Palaro badminton, ipinasisilip sa DepEd

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

UMAPELA si Negros Occidental Badminton coach Jordan Sun sa National Screening Committee ng Palarong Pambansa, partikular na sa Department of Education (DepEd) Western Visayas at sa DepED National, sa isyu umano ng iregularidad hinggil sa dokumento ng mga atleta o ang Athlete Record 1 (AR1) ng badminton na sumabak sa Regional meet na ginanap sa Capiz nitong Pebrero.

Tinukoy ni Sun ang mga manlalaro ng Iloilo na lumahok sa nasabing reginal meet, kung saan diumano’y hindi mga lehitimong manlalaro ng nasabing lalawigan.

Sa isang liham na isinumite ng koponan ng Negros sa National Screening Committee at DepEd Western Visayas, matapos umano ang kompetisyon ay nagkaroon ng kaguluhan sa selection para sa National finals ng Palarong Pambansa na magaganap ngayong Abril 27 hanggang Mayo 4, sa Davao City, matapos na matuklasan nila na galing sa ibang lugar ang mga manlalaro at hindi taga Visayas kundi taga Laguna at Tugegarao.

“After po ng DepEd – Western Visayas Regional Athletic Association Meet (Badminton – both Elementary and Secondary), nagkaroon po ng kaunting kaguluhan doon sa composition ng mga players to compete for the up-coming Palarong Pambansa 2019 since may pending po na protest ang Team Negros over doon sa mga nanalo,” ayon sa bahagi ng liham.

Base umano sa Athlete Record 1 (AR1), nakatira umano ang mga manlalaro ng Iloilo City sa Barangay Ortiz, ngunit mismong ang Barangay Captain ng nasabing ugar ang nagsabi na hindi residente ng kanilang lugar ang mga naturang atleta.

“Duon sa AR1 na sinubmit ng mga players, naka-address po sila sa Iloilo City sa Barangay Ortiz, however, mismong yung Barangay Captain ng Ortiz ang nagbigay ng certificate that they are not Bonafied Residence po ng Barangay Ortiz,” pahayag ni Sun sa panayam kahapon.

Malaki ang paniniwala ni Sun na may anomalyang naganap sa nasabing pagkuha ng mga atleta, kung saan aniya, mismong ang mga coaches ng mga nasabing manlalaro ang ang lumalabas na may pakana dito kung saan inamin naman niya na bago pa lamang magsimula ang kompetisyon ay naghain na sila ng reklamo.

“Imposible naman po na hindi nila alam na kung taga saan ang players nila. Hindi ba nila alam o simpleng pagkakamali o intentionally done. Hindi sila taga Barangay Ortiz. Dishonesty po talaga,” ayon pa kay Sun.

Ang mga nasabing atleta ay produkto umano ng Alternative Learning School (ALS) ng DepEd na hindi na rin nila kinuwestyon, ngunit ang mapatunayan umano na hindi lehitimong taga Visayas ang mga nasabing atleta ay hindi na nila mapapalampas.

Ayon pa kay Sun, na pagkatapos ng kompetisyon ay bumabalik sa Laguna at Tugegarao ang mga atleta upang duon mag ensayo, at saka babalik sa Iloilo City kapag simula na ng aktuwal na laro.

Nilinaw naman ni Sun na hindi nila sinisisi ang mga magulang ng mga atleta maging ang mga nasabing atleta, gayung biktima din lamang umano ang mga ito ng mga tiwaling gawi ng mga coaches nito na galing din sa DepEd.

Samantala, sinabi naman ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Ramon Fernandez na personal silang makikipag-ugnayan sa mga opisyales ng DepEd hinggil sa nasabing isyu.

“We will talk to the DepEd guys during the Palarong Pambansa next week in Davao City,” pahayag ni Fernande.

-Annie Abad