Ilang kalsada sa Intramuros, isasara

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ilang kalsada sa Intramuros, Maynila ang isasara simula ngayong Miyerkules Santo hanggang sa Biyernes Santo upang bigyang-daan ang mga religious activities para sa Mahal na Araw.

Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila (MB, file)

Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila (MB, file)

Sa paabiso ng MPD na inilabas ngayong Martes, nabatid na dakong 7:00 ng gabi bukas, Miyerkules, hanggang sa Biyernes ay pansamantalang isasara ang Gen. Luna mula sa Sto. Tomas Street hanggang sa Muralla Street sa Intramuros.

Magpapatupad din ng traffic rerouting ang MPD sa mga nabanggit na lugar.

Nabatid na ang mga mula sa Magallanes Drive patungong Gen. Luna ay maaaring dumiretso sa Anda Circle, habang ang mga sasakyan namang mula sa Anda Circle na dadaan sa Gen. Luna ay dapat na kumanan sa A. Soriano, at kanan sa Magallanes Drive.

Ang mga mula naman sa P. Burgos (Round Table) na dadaan sa Gen. Luna ay maaaring kumanan sa Muralla Street.

Magpapatupad din ang MPD ng traffic rerouting ngayong Miyerkules para sa mga prusisyon hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.

Kabilang dito ang “Prusisyon ng Pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo” ngayong Miyerkules; Good Friday Procession dakong 5:00 ng hapon; gayundin sa Easter Sunday (Risen Christ Procession at Salubong Procession).

-Mary Ann Santiago