Chinese GF napatay, kelot nag-suicide

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Patay ang isang babaeng Chinese at kapatid niyang lalaki makaraang barilin sila sa ulo ng hiniwalayan niyang nobyo, sa loob ng tinutuluyan nilang condo sa Quiapo, Maynila, ngayong Martes ng madaling araw—ang suspek, nasawi rin matapos magpatiwakal.

(kuha ni  Jun Ryan Arañas)

(kuha ni Jun Ryan Arañas

Batay sa ulat ni M/Sgt. Jansen Rey San Pedro, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na dakong 12:25 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng magkapatid na tanging ang babae lang ang nakilala sa alyas na “Ivy”, sa loob ng isang condo tower sa Palanca Street, Quiapo.

Tumakas ngunit kalaunan ay nagpatiwakal ang suspek na si Qiu Shaojie, isa ring Chinese at nobyo umano ni Ivy, at sinasabing nakatira sa Blumentritt Street sa Sta. Cruz, Maynila.

Batay sa imbestigasyon, bago nadiskubre ang krimen, dakong 9:00 ng gabi nitong Lunes, tumawag pa si Ivy sa kaibigang si Zhirong Huang at nagsumbong kaugnay ng pagtatalo umano nila ni Qui dahil hindi umano pumayag ang huli na hiwalayan siya ng nobya.

Makalipas ang isang oras, tinangka umano ni Huang na tawagan sa cell phone si Ivy, pero hindi ito sumasagot kaya bandang 11:50 ng gabi ay inutusan niya ang kanyang store helpers na sina Caisar Bagumbaran at Amerin Mahmod na puntahan ang dalaga.

Walang nagbubukas ng pinto sa unit ni Ivy kaya katulong ang mga guwardiya ng condo ay sapilitan nilang binuksan ang unit ng dalaga, na tumambad sa kanilang duguan at bangkay na, gayundin ang kapatid nito.

Batay sa kuha ng CCTV, natukoy si Qui na posibleng may kagagawan sa krimen, at makalipas ang ilang oras ay namataan ng mga tanod ang suspek sa panulukan ng Rizal Avenue at Remigio Street habang nagtatangkang maglaslas ng pulso.

Ayon kay M/Sgt. Jorlan Taluban, ng MPD-CAPIS, isinugod ng mga tanod ang suspek sa Jose Reyes Memorial Medical Center upang malunasan, ngunit habang nasa emergency room ay tumakbo umano si Qui sa terasa ng ikalimang palapag ng pagamutan at tumalon, dakong 3:26 ng umaga kanina.

Hindi naman kaagad namatay ang dayuhan, na nasalo ng scaffolding na ginagamit sa konstruksiyon sa ospital, pero dakong 6:58 ng umaga kanina ay tuluyan na itong binawian ng buhay.

-Mary Ann Santiago