Bucks, Celtics at Blazers, nakauna sa serye

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

MILWAUKEE (AP) — Mistulang ensayo ang Game 1 ng playoff series ng Milwaukee Bucks at Detroit Pistons nang itarak ng top-seeded ang dominanteng 121-86 panalo nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Eastern Conference series.

Hataw si Giannis Antetokounmpo, nangunguna sa MVP list, sa naiskor na 24 puntos at 17 rebounds sa 24 minutong paglalaro kung saan naibaon ng Bucks ang Pistons sa pinakamalaking bentahe na 41 puntos.

Napatawan ng flagrant 2 foul si Andrew Drummond ng tangkaing pigilan si Antetokounmpo at napatalsik sa laro.

Pitong Bucks players ang umsikor ng double figures, kabilang sina Eric Bledsoe na may 15 puntos at Brook Lopez at Khris Middleton na may tig-14 puntos. Nag-ambag si George Hill ng 16 puntos mula sa bench.

Nanguna si Luke Kennard sa Pistons na may 21 puntos, habang tumapos si Drummond ng 12 puntos at 12 rebounds. Kumubra si Reggie Jackson ng 12 puntos sa Detroit, naglaro na wala si star forward Blake Griffin bunsod ng injury sa tuhod.

Inamin ni Pistons coach Dwane Casey na mahirap tibagin ang Milwaukee, ngunit handa aniyang makipagsabayan ng Pistons.

“We’re not in the class of where Milwaukee is with their program right now,” sambit ni Casey. “They were not two or three years ago.

CELTICS 84, PACERS 74

Sa Boston, handa sa anumang aspeto ng laban ang Celtics para maisalba ang Indiana Pacers sa mainit at physical na laro sa Game 1 ng kanilang serye sa East.

Hataw sina Kyrie Irving at Marcus Morris sa natipang tig-20 puntos, habang tumipa si Jayson Tatum ng 15 puntos at kumana si Al Horford ng 10 puntos at 11 rebounds, at tumapos si Gordon Hayward ng 10 puntos.

“I just try to be aggressive on the ball, be in the right spots,” pahayag ni Irving. “I just really want to be aggressive and really be the head of the snake.”

Nakatakda ang Game Two sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Boston.

Umabante ang Pacers ng 11 puntos sa first half, ngunit nalimitahan sila ng Celtics saw along puntos sa third quarter. Sa final period, tuluyang naagaw ng Boston ang momentum at nahila ang bentahe sa pinakamalaking 22 puntos.

Nanguna si Cory Joseph sa Pacers na may 14 puntos at nalimitahan si Bojan Bogdanovic sa 12 puntos.

“We held them to 84 points. We just didn’t score enough,” sambit ni Indiana’s Wesley Matthews.

BLAZERS 104, THUNDER 99

Sa Portland, sinimulan ng third-seed Portland TrailBlazers, sa pangunguna ni Damian Lillard na may 30 puntos, ang pagdispatsa sa No.6 Oklahoma City Thunder.

Tumipa si Enes Kanter ng 20 puntos at career playoff-high 18 rebounds para sa Blazers. Nag-ambag si CJ McCollum ng 24 puntos.

Nanguna si Russell Westbrook sa Oklahoma sa naiskor na 24 puntos, 10 assists at 10 rebounds para sa ikasiyam na career postseason triple-double. Kumasa si Paul George na may 26 puntos at 10 rebounds.