Dagayloan nagwagi vs Domingo

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

Pinalasap ng unang pagkatalo  ni WBA Asia flyweight champion Alphoe Dagayloan si Esneth Domingo sa pukpukang sagupaan nitong Abril 13 sa Quibors Boxing Gym sa Bacoor, Cavite kaya inaasahang papasok sa WBA flyweight rankings na kampeon si Artem Dalakian ng Azerbaijan.

Ipinakita ni Dagayloan ang kanyang husay at estilo para itala ang ikasiyam na sunod na panalo na nahaluan lamang ng isang tabla sa kanyang huling 10 laban na tinampukan ng pagpapalasap ng unang pagkatalo kay Madiyar Zhanuzak ng Kazakhstan via 8th round TKO noong Hulyo 14, 2018 sa Ektarinburg, Russia.

Sa husay sa pakikipagbakbakan, nadominahan ni Dagayloan si Domingo para magwagi sa mga huradong sina Brembot Dulalas, 98-92; Carlos Coasta, 96-94; at Ferdinand Estrella, 97-94 kaya itinaas ni international referee Silvestre Abainza ang kamay ng tubong Zamboanga del Norte na boksingero.

Napaganda ni Dagayloan ang kanyang rekord sa 13-2-5 win-loss-draw na may 5 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Domingo sa 11 panalo, 1 talo na may 6 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña