‘Best technology start-ups’, pinarangalan ng DICT

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

ISANG technology start-up na nag-aalok ng isang web-based at mobile platform na disenyo para sa “safe, secured, and convenient rental transactions between renters and item owners” ang nanguna at nagwagi sa idinaos na Philippine Startup Challenge 5 (PSC5) ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kamakailan.

Pinangunahan ng lungsod ng Iloilo, nasa 15 grupo mula sa iba’t ibang unibersidad at mga kolehiyo sa buong bansa ang nagbida ng kanilang ang inobasyon sa huling bahagi ng kumpetisyon na ginanap sa Grand Xing hotel sa lungsod.

Sa isang panayam, ibinahagi ni DICT Undersecretary Monchito B. Ibrahim, ang mahirap na prosesong pinagdaanan ng mga estudyante para makapasok sa huling bahagi ng kumpetisyon.

Nakatanggap ang DICT ng 242 kalahok ngunit 30 lamang ang nakarating sa semifinal. Mula sa nasabing bilang pumili ang selection committee sa mga technology at business startups ng 15 natatanging ideya para sa pambansang kumpetisyon.

“We’re very, very glad to see all the ideas that they have come up with and that’s actually making me believe that the future of the Philippines is in good hands,” ani Ibrahim.

Ang nagwaging proyekto ay ipinresenta ng Team Victorem mula sa Saint Louis University sa Baguio City na may titulong Qrent. Bilang isang rental platform, hangad nitong magsilbing daan para sa mga taong nais mag-post ng kanilang mga bagay o gamit na nais parentahan o para sa mga naghahanap ng marerentahan.

Kikita ang Qremt ng lima hanggang 10 porsiyentong komisyon para sa bawat transaksyon.

Nakuha naman ng Team RentalBee ng Far Eastern University, ang ikalawang puwesto, na isang online marketplace upang makahanap ang mga estudyante ng ligtas at de kalidad na matutuluyan malapit sa mga paaralan; ikatlo ang Team RTK Inc ng Western Mindanao State University para sa kanilang proyekto na layong pagaanin ang buhay ng mga sumasakay sa jeepney; ikaapat ang Mathjestic Quest ng Davao Central College para sa kanilang mobile application na solusyon upang tumaas ang motibasyon ng mga mag-aaral habang nag-aaral ng mathematics sa masayang paraan, at ikalimang puwesto ang Team Technovators ng University of Science and Technology of Southern Philippines para sa off-grid solution sa pagcha-charge ng mga smartphones, laptops at iba pang portable devices.

Ayon kay Emmy Lou V. Delfin, direktor ng ICT Industry Development Bureau (IIDB) layon ng startup challenge na malikha ng mga entrepreneurs gamit ang ICT, na tugon sa mga sinasabing kapag natapos sa pag-aaral ang isang estudyante ay magiging empleyado na lamang ito at hindi employer.

“They will have to use their creative ideas. We want Filipino startups globally,” aniya, kasabay ng pagsasabing kinakailangang estudyante pa lamang ay sinisimulan na ng mga ito ang pagbabago sa mindset ng mga Pilipino.

Hangad ni Ibrahim, ang utak ng proyekto na maging isang “innovation economy” ang Pilipinas.

Samantala, aniya, unang pagkakataon na magbibigay ang pamahalaan ng

‘financial grants’ sa limang nagwagi.

Bawat grupo ay makatatanggap ng P200,000 mula sa Department of Science and Technology – Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD) upang matulungan ang mga ito sa pagpapatuloy ng proyekto.

Habang ang nagwagi ay magiging bahagi ng Huawei’s Seeds of the Future Program, isang two-week college undergraduate study program sa China upang matutunan ng mga ito ang ICT-based skills and knowledge. Awtomatiko rin silang kasali sa 2019 IdeaSpaceBootcamp.

“One of the things that it brings to table is there going to get a lot of media mileage. Hopefully there are people out there who find their invention worth investing in and put money in so that it could now be materialized,”

pahayag ni Jonathan De Luzuriaga, president ng National ICT Confederation of the Philippines (NICP).

PNA