Perpetual, kampeon sa Pilipinas 3×3

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

TINANGHAL na kampeon ang koponan ng University of Perpetual Help System-JONELTA of Laguna sa 2019 Chooks-to-Go Pilipinas 3×3/NBTC Tournament na idinaos sa SM Mall of Asia Music Hall.

Ginapi ng Saints ang Santa Clarita International School-Iloilo sa finals, 21-19, sa pangunguna nina Kenneth Eugenio at Duke Madela.

Ibinigay ni Eugenio ang kalamangan sa UPHSJ, 20-18 may 40 segundo na lamang ang natitira sa laro bago ito natapyas ng Santa Clarita,19-20.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon si Madela upang selyuhan ang panalo, makalipas ang 30 segundo.

Maliban kina Madela at Eugenio, ang iba pang miyembro ng Saints ay sina Paulo Paras at Michael Joseph Homo.

Naitakda ang pagtatagpo ng dalawang koponan sa finals matapos gapiin ng UPHSJ ang Southwestern University-PHINMA ng Cebu sa semifinals, 21-18, habang dinaig ng Santa Clarita ang Calayan Educational Foundation-Lucena, 15-11.

Naunang tinalo ng Saints sa group stages ang Camp David-New Zealand, 21-11 kasunod ang Hope Christian High School-Manila, 14-12, at University of Baguio, 19-12 upang mawalis ang Group C.

Ang torneo ay bahagi ng NBTC National Finals at Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 na naglalayong makatulong na makalikom ng puntos ang Pilipinas para umangat ang FIBA 3X3 rank ng bansa at mag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics.

-Marivic Awitan