2 sundalo, tiklo sa pamamaril

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Natimbog ng pulisya ang dalawang sundalo matapos umano nilang barilin ang isang kargador sa isang bar sa San Jose, Occidental Mindoro, kaninang madaling araw.

SUNDALO

Sina Private First Class Jomar Abadano at Private First Class Kevin Postor, kapwa nakatalaga sa intelligence unit ng 4th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army (PA), ay ikinulong sa San Jose Municipal Police.

Kinilala ni Supt. Socrates Faltado, tagapagsalita ng MIMAROPA (Mindoro Occidental and Oriental, Marinduque, Romblon, Palawan) regional police, ang biktima na si Larry Percutilla, na isinugod sa ospital dahil sa tama ng bala sa binti.

Sa report ng pulisya, nag-iinuman umano ang grupo ng biktima sa isang bar sa nabanggit na lugar nang biglang makipagsagutan ito sa grupo ng mga sundalo na umiinom din sa lugar.

Sa gitna ng pagtatalo, sinuntok umano ng isa sa mga sundalo na si Private First Class Julius Valdestamon ang biktima na agad namang umalis matapos ang insidente.

Sinabi ni Faltado, hinintay pa ni Percutilla ang grupo ng mga sundalo at pinagbabato niya nang dumaan sa lugar, dakong 3:00 ng madaling araw.

Dahil dito, napilitan sina Abadano at Postor na bumaba sa kanilang motorsiklo at binaril si Percutilla.

Sina Abadano at Postor ay inaresto ng mga awtoridad sa follow up operation sa naturang bayan.

-Aaron Recuenco