NEXT PACMAN!

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Ancajas, ‘Boxer of the Year’ sa Elorde Awards; handa vs Funai

NALALAPIT na ang takipsilim sa boxing career ni Manny Pacquiao. At nakatuon ang pansin ng sambayanan sa posibleng papalit sa kanya sa tugatog ng tagumpay – kay Jerwin Ancajas.

RP’S FUTURE! Nakatuon ang pansin ng sambayanan sa tatlong premyadong boxers – Juan Miguel Elorde, Jerwin Ancajas at Juan Martin Elorde – na posibleng pagmanahan ng trono ni Manny Pacquiao bilang ‘Pambansang Kamao’.

RP’S FUTURE! Nakatuon ang pansin ng sambayanan sa tatlong premyadong boxers – Juan Miguel Elorde, Jerwin Ancajas at Juan Martin Elorde – na posibleng pagmanahan ng trono ni Manny Pacquiao bilang ‘Pambansang Kamao’.

Sa edad na 27-anyos at tangan ang impresibong pitong matagumpay na pagdepensa sa kanyang International Boxing Federation (IBF) Superflyweight title – huli’y ang split draw kay Mexican Alejandro Santiago Barrios nitong Setyembre sa Oakland, California – walang duda na swak sa yakap ni Pacman ang pamosong fighter mula sa Cavite.

Ngunit, mismong si Ancajas ang umanin na malayo pa ang biyahe para maabot ang pedestal na tinutuntungan ng Pambansang kamao sa kasalukuyan.

“Sa aming mga boxers, yung maikumpara ka lang at masabing next Manny Pacquiao ay isa nang malaking karangalan,” pahayag ni Ancajas sa kanyang pagbisita sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) kahapon sa National Press Club sa Intramuros, Manila.

“Pero malayo pa po tayo dyan. Sa ngayon, nagpupursige po ako sa training para madevelop pa ang sarili, bahala nap o ang pagkakataon at ang Maykapal kung magawa ko rin yung narating ni Boss Manny,” aniya.

Subalit para sa mag-asawang boxing promoter na Johnny at Liza Elorde, akma si Ancajas para manahin ang trono ni Pacman.

“Actually, marami tayong fighter ngayon na talagang hindi pahuhuli ang kahusayan. Andyan din so Donnie Nietes. Si Jerwin, bata pa at hindi pahuhuli ang talent at disiplina para manatiling kampeon,” pahayag ni Liza Elorde.

“But before nating pagusapan ang boxing. Nagpapasalamat ako at nakabalik dito sa  NPC building. Noong bata pa ako, isinasama kami ng tatay ko dito dahil naging president rin siya. Nagtanim kami ng puno dyan sa gilid,” pagbabalik-gunita ni Liza,a nak ng namayapang Macario Vicencio na naging NPC president (1962-1964).

“We hope, hindi lang si Ancajas kundi marami pang boxers ang makagawa sa mga achievement ni Manny (pacquiao),” aniya.

Ang katangian ni Ancajas, gayundin ang katauhang taglay ang naging pamantayan ng Elorde para muling ipagkaloob sa pamosong fighter mula Panabo, Davao del Norte ang parangal na ‘Boxers of the Year’ sa gaganaping 19th Gabriel Elorde Memorial Awards Banquet of Champions sa Marso 25 sa Okada Manila.

Kasama niya sa parangal ang kapwa kampeon na sina Michael Dasmarinas at Vic Saludar.

Sa naturang pagdiriwang, ikinasa rin ng Elorde Promotions ang ‘Boxing Kontra Droga’ fight card na tatampukan ng dalawang apo ng nasirang Flash Elorde – sina Juan Miguel at Juan Martin –

Itataya ni Juan Miguel ang WBO Asia Pacific title kontra Shoehe Kawashima ng Japan, habang mapapalaban si Juan Martin, dating WBO Aspac Champion kay Indonesian Rengga Rengga sa flyweight championship. Tampok din ang duwelo nina American Casey Morton vs Japanese Chiehigano at Anvar Turapov ng Uzbekistan at Japanese Takahiko Kobayashi.

“Handang-handa na ako. Tuloy-tuloy lang naman kami sa ensayo,” pahayag ni Juan Miguel, sa lingguhang forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) at NPC.

Sa kanyang nalalapit na laban – ikawalong pagdepensa –  kontra Japanese Ryuichi Funai sa Mayo 4 sa Stockton, California – nagpahayag ng kahandaan si Ancajas.

“Ayoko po magsabi kung anong rounds matatapos. Basta gagawin ko lahat ng aking makakaya,” sambit ni Ancajas, unbeaten sa kanyang huling 18 fights mula nang matalo via majority decision kay Mark Anthony Geraldo noong Abril 2012 sa Lapu Lapu City.