Libreng medikal na tulong para sa mga katutubo ng Mt. Province

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

Daan-daang Indigenous Peoples (IPs) sa bayan ng Paracelis, Mountain Province ang nabiyayaan ng libreng medikal, dental na serbisyo ng isang grupo ng mga kababaihan bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month.

“We are very happy, lucky and thankful to Happy Hearts because a medical mission was conducted here after several years considering the long hours of travel,” pahayag ni Councilor Djarma Rafael na namumuno sa local legislative council’s committee para sa mga kababaihan at mga bata sa lugar nitong Linggo.

Walong oras na biyahe mula sa lungsod ng Baguio, narating ng grupo ng Happy Hearts ang bayan ng Paracelis bandang 6:00 ng umaga nitong Marso 9 para sa isang outreach program bilang pagdiriwang sa Buwan ng Kababaihan ngayong Marso, na kasabay ng pandaigdigang paggunita sa International Women’s Day.

Inabot ng gabi ang programa, kung saan ilang mga pasyente ang nagmula pa sa malalalayong komunidad ang dumalo upang makatanggap ng libreng serbisyo at mga kagamitan.

Ayon kay Rafael, nagbigay ang grupo ng libreng medical checkup; dental services, blood sugar screening, at wellness service. Namahagi rin ng libreng mga gamit sa mga pasyente.

Marami, aniyang, kababaihan at mga bata sa bayan na ito ang hindi nakatatanggap ng sapat na tulong pangkalusugan at medikal dahil na rin sa heograpikal na lokasyon nito mula sa bayan.

“Paracelis has a big population, even the district hospital cannot accommodate the whole area and of course the number of health workers is also a problem,” ani Rafael.

Ang bayan ng Paracelis, ay isang second-class municipality na nakaasa sa agrikultura, at may populasyong umaabot sa 26,476.

“There are a lot of women and children here who cannot afford to go to the hospital and have themselves checked so this is a great opportunity for them to take advantage of the presence of medical practitioners who are giving their services for free and even giving free medicines,” aniya.

Pagbabahagi rin niya, dahil sa malayo ang bayan sa sentro ng probinsiya sa Bontoc, madalang itong mapuntahan ng mga organisasyong nagdaraos ng mga outreach at hindi natutulungan ang mga residente sa lugar.

Aniya, dahil na rin sa pinansiyal na kalagayan ng mga pamilya doon, lalo na sa mga ina, hindi na nabibigyan ng prayoridad ang kalusugan.

Paglilinaw naman ni Rafael, ginagawa naman ng lokal na pamahalaan ang lahat ng magagawa nito upang maibigay ang serbisyong pangkalusugan sa mga nasasakupan, ngunit hindi ito sapat.

“There are some medical activities here being conducted by the Rural Health Unit (RHU) but it is not enough, not everyone can avail of it especially those who are living in the outskirts,” aniya.

Bukod sa medikal at dental na serbisyo, nagbahagi rin ng wellness service ang dalawang physical therapists at tinuruan ang mga pasyente kung paano maiiwasan ang back pain at “frozen shoulders”.

Ang Happy Hearts ay isang grupo ng high school batchmates mula sa St. Louis Girls High School sa Baguio City na nagbibigy ng kanilang libreng serbisyo.

PNA