Anak ng Quezon mayor, todas sa barilan

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Nakumpirmang anak ni Sariaya, Quezon Mayor Marcelo Gayeta ang isa sa dalawang lalaking napatay matapos mapaengkuwentro sa mga pulis sa Tayabas City nitong Huwebes ng umaga.

SON

Sa report na tinanggap ni Chief Supt. Eduardo Carranza, mula sa Tayabas City Police, kinilala ang nasawi na si Christian Gayeta, 21 anyos, anak ng alkalde.
Kaagad na namatay ang suspek makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa gasolinahan sa Barangay Baguio, Tayabas City.
Sinabi ni PO3 Michael Rojas na nakatanggap sila ng reklamo sa city hall text hotline mula sa isang gasoline boy na dalawang beses umanong pinaputukan ng isang lalaking sakay ng motorsiklo.
Mapalad namang hindi tinamaan ang hindi pinangalanang gasoline boy.
Ayon kay Rojas, rumesponde ang mga pulis subalit pati sila ay pinaputukan umano ng dalawang lalaki na nakasakay ng motorsiklo at nang gumanti ng putok ang mga awtoridad ay tinamaan ang mga suspek at namatay.
Narekober sa lugar ang isang .45 caliber pistol at isang .22 caliber mula sa mga suspek.
Duda naman si Mayor Gayeta sa pagkamatay ng anak, at hiniling niya sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang insidente.

Fer Taboy