Lakers, sadsad sa Celtics

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

LOS ANGELES (AP) — Hataw si Kyrie Irving sa naiskor na 30 puntos, habang tumipa si Marcus Smart ng 16 puntos para sandigan ang Boston Celtics sa 120-107 panalo kontra Los Angeles Lakers nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Nag-ambag si Marcus Morris ng 16 puntos at pitong rebounds, habang kumana si Gordon Hayward ng 15 puntos para sa ikatlong sunod na panalo.

Nanguna si LeBron James sa Lakers na may 30 puntos, 12 assists at 10 rebounds para sa ikapitong triple-double bilang isang Laker, ngunit nakamit nila ang ikalimang sunod na kabiguan para malagay sa balag ng alanganin sa playoff.

Samantala sa iba pang laro, ginapi ng Minnesota, sa pangunguna ni Karl-Anthony Towns na may 40 puntos at 16 rebounds, ang Washington Wizards, 135-130, sa overtime; habang nagwagi ang Brooklyn Nets sa Atlanta Hawks, 114-112.