Padda, sibak sa Adamson volley team

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

NAKATATLONG laro pa lamang sa kasalukuyang UAAP Season 81 women’s volleyball tournament, ngunit nagdesisyon na ang Adamson na palitan ang kasalukuyan nilang coach na si Air Padda.

Kinuha bilang kapalit ng American mentor si Rogelio Getigan, ang head coach ng Kings Montessori School girls’ volleyball team base sa statement na inilabas ng Adamson University.

Gayunman, mananatili pa rin si Padda sa bench ng Lady Falcons hanggang matapos ang season.

“The administration expresses its gratitude to coach Airess Padda for mentoring the team through two UAAP seasons,” saad ng Adamson. “She will, however, be still part of the coaching staff.”

Nagsimulang mag coach si Padda sa Adamson noong Season 79.

Hindi ito ang unang paglakataon na nagpalit ang Adamson ng coach sa kalagitnaan ng torneo.

Nangyari na ito noong 2016 nang magbitiw si coach Sherwin Meneses at ibinigay sa kanilang men’s team coach na si Domingo Custodio ang posisyon.

Sa kanyang unang taon sa Adamson, nakaisang panalo lamang si Padda habang kinapos naman sila noong nakaraang season upang umabot sa Final Four sa markang 6-8.

Ngayong season, wala pa silang naipapanalo matapos ang unang tatlong laban.

-Marivic Awitan