Thea at Mikoy, nagkabalikan

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

NAGKABALIKAN na ang dalawang produkto ng talent search na Protege noon ng GMA Network na sina Thea Tolentino at Mikoy Morales. A year ago kasi ay bigla na lamang nag-break ang dalawa, gusto raw nilang magkaroon ng space para mas matutukan ang kani-kanyang work. Si Thea kasi ay hindi naman nawawalan ng project at si Mikoy, bukod sa pag-aartista ay music composer din at kumakanta sa mga gigs.

Thea at Mikoy copy

Pero tuwing makikita namin ay lagi naman silang magkasama kaya biro namin, sila pa rin sa huli. Kasi naman, hinahanap nila ang qualities nilang dalawa sa mga nanliligaw kay Thea at sa nililigawan din naman ni Mikoy.

Hindi nga kami nagkamali dahil sa last taping day ng Asawa Ko, Karibal Ko ay umamin na si Thea na nagkabalikan na sila ni Mikoy.

Na-realize nga raw nilang dalawa na niloloko lamang nila ang mga sarili nila, nagdi-deny kapag tinatanong sila, iyon pala, waste of time lang ang ginagawa nilang paghanap ng bagong mamahalin.

This year ay bigla na raw lamang silang nagkabalikan at more or less ay five years na rin ang kanilang relasyon. Hindi nga lamang sila magkasama noong Valentine’s Day dahil may work si Mikoy sa Cebu, ‘yung show ng Bubble Gang doon.

Inamin din ni Thea na nakakaramdam siya ng separation anxiety sa mga kasama niya sa Asawa Ko, Karibal Ko na nasa last two weeks na lang, Mondays to Saturdays, after ng Eat Bulaga.

Sa serye ay ginagampanan ni Thea ang role ni Venus, isang transgender na madly in love kay Gavin (Rayver Cruz) at ginawa niya ang lahat ng kasamaan kay Rachel (Kris Bernal) pati na rin kay Gavin dahil sa kagustuhan niyang masarili ang boyfriend.Malaking hamon kay Thea ang role at kung gaano siya kasama, na biro niya ay ito na raw yata ang forte niya sa lahat ng projects na ginawa sa GMA. Natatawa niyang ikinuwento na minsan daw nang magsabunutan sila ni Kris sa eksena ay nalagas ang hair extension na gamit niya at pinulot na lamang niya sa lapag. Hindi raw maiwasan na magkasakitan sila sa mga pisikalan nila ni Kris, pero humihingi naman sila ng paumnahin sa isa’t isa pagkatapos.

“Pero mami-miss ko silang lahat dahil ang dami ring memories namin sa mga locations namin every time na may taping kami. At maraming salamat po sa lahat ng mga nakakaintindi sa akin sa role na ginagampanan ko. Salamat po,” sey pa ng aktres.

-NORA V. CALDERON