Big project ng aktres, hinaharang ng BF actor

Filed under Blind Item, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

TRULILI kaya ang tsikang nakarating sa amin na may inaayos na problema ang isang aktor at isang aktres na magkarelasyon ngayon. Ayaw kasi silang pakialaman ng kani-kanilang pamilya dahil personal nila ito.

“Madalas naman silang magkaroon ng away pero naaayos din naman. Siguro ito ang medyo matagal-tagal, dahil tungkol ito sa career nila at kung anuman iyon ay hayaan na natin,” tsika sa amin ng mga taong malapit sa aktor at aktres.

May bagong project kasi ang aktres na isinangguni niya sa aktor bilang boyfriend, pero ‘tila hindi nagustuhan ng huli ang nasabing project, kaya ito ang pinagdedebatehan nila hanggang ngayon.

Katwiran naman ng aktres, base sa tsika sa amin: “Hindi naman ikaw ang manager ko, ipinapaalam ko lang sa ‘yo para alam mo!”

At dito raw nairita ang aktor, na idinaan na lang sa pananahimik ang sama ng loob. Ganito raw talaga ang ugali ng aktor, kapag galit ay tumatahimik na lang.

Tinanong namin kung anong klaseng project ba ito para ikaayaw ng boyfriend ng aktres.

“May ibang kapartner, at saka magkakaroon yata ng kissing scene. Eh, ateng, kukunan sa ibang bansa,” kuwento sa amin.

Nabanggit na hindi pa raw handa ang aktor sa ganitong projects ng girlfriend. Nasanay kasi siya na puro wholesome ang projects ng aktres.

Desidido naman ang movie outfit sa plano nito na gawing ganap na aktres ang girlfriend ng aktor, kaya bibigyan ng medyo mabigat na proyekto, bagay na hindi naman maintindihan ng guy.

Hindi ganu’n kalakas sa management ang aktor, kaya hindi niya kayang harangin ang nasabing project ng girlfriend niya.

Ang aktres ang may say kung gusto niyang matuloy ang project o hindi, kaya ito ang ipinagmumukmok ng aktor, dahil mukhang desidido na ang girlfriend niya na mag-level up at patunayan ang husay bilang isang ganap na aktres.

-Reggee Bonoan