Dion, walang balak umalis sa GMA-7

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

FOURTEEN years ago na nang makabilang si Dion Ignacio sa mga nanalo sa StarStruck Batch 1 ng talent-artista search ng GMA Network at since then, hindi siya nagbalak umalis sa kanyang network.

Dion copy

“Hindi po kasi ako pinababayaan ng GMA,” bungad ni Dion after ng mediacon ng bago niyang serye, ang Hiram Na Anak. “Tulad po ngayon, hindi ko in-expect na magkakaroon agad ako ng bagong show, dahil last November 2018 lamang natapos ang ‘Victor Magtanggol’. Kaya labis-labis po ang pasasalamat ko. Reunited ako kay Yasmien, na kasama ko sa ‘StarStruck’ noon, na ang last serye na ginawa namin ay ‘Saan Darating Ang Umaga’ ten years ago.”

Hindi raw naging sila ni Yasmien Kurdi noon, kay Rainier Castillo kasi nai-love team si Yasmien, at siya naman ay kay Sheena Halili.

At 32, hindi itinanggi ni Dion na happily living siya with her girlfriend at ng one year and seven months old baby girl nila na si DJ (Dylanne Jailee). Flight steward ng Etihad Airlines ang girlfriend niya at nagkahiwalay sila for eight years, nang muli silang magkatagpo sa Instagram (IG) ay muling nanumbalik ang relasyon nila at naging anak nga nila si DJ. Kailan naman ang kasal nila?

“Nag-iipon pa po kami, retired na siya sa Etihad at mayroon siyang business at ako naman dito sa showbiz, gusto ko rin po munang makapagpatayo ng bahay para sa family ko sa Marikina, sa nanay ko, since nasa Bacoor, Cavite naman kami ng mag-ina ko. Kaya wala pa po muna kaming balak sundan si DJ, ipon muna kami. Sa ngayon po kasi ini-enjoy ko iyong pag-uwi ko from work na dadatnan ko si DJ na at her age, makikita mo nang lalaki siyang matalino. Masayahin siya kaya alis ang pagod mula sa trabaho kapag nakita ko na siya.”

No wonder na malapit kay Dion ang bago nilang serye na Hiram Na Anak dahil gaganap silang mag-asawa ni Yasmien na hindi pinalad magkaroon ng sariling anak. Nakabuo sila ng baby pero namatay at hindi na ito nasundan kaya napagkasunduan nilang mag-ampon, si Duday (Leanne Bautista), na siyang babago sa buhay nilang mag-asawa at sa mga taong nakapaligid sa kanila.

Sa direksyon ni Gil Tejada Jr., mapapanood na sila simula sa Lunes, February 25, sa morning time slot, 11:30 ng umaga bago ang Eat Bulaga sa GMA 7.

-Nora V. Calderon