‘Triple crown’ ng Perpetual, asam biguin ng Arellano

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

4:00 n.h. — Perpetual Help vs. Arellano University (w)

TATANGKAIN ng Arellano University na mapigilan ang University of Perpetual Help System Dalta na kumpletuhin ang hangad na triple crown ,habang sisikapin na makamit ang three-peat sa do-or-die match ng women’s division sa NCAA Season 94 volleyball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Nauna nang nakopo ng season host UPHSD ang men’s at juniors’ titles kung kaya tatangkain ng Lady Altas na maangkin ang women’s crown para makamit ang bihirang triple championship sa volleyball kasunod ng dating league member Ateneo at San Sebastian College.

“We’re looking at history unfolding and it’s really up to us to complete it,” ani UPHSD coach Macky Carino na target ding wakasan ang kanilang 5-year title drought matapos silang magwagi ng 3-peat noong Season 89.

Ngunit, tiyak namang hindi basta na lamang isusuko ng Lady Chiefs ang kanilang korona.

Gagamiting buwelo ng Arellano ang naitalang 23-25, 25-9, 25-18, 22-25, 15-12 panalo sa Game Two sa muli nilang paghaharap ngayong 4:00 ng hapon.

Muling sasandig ang Arellano sina reigning MVP Nicole Ebuen, Princess Bello, Carla Donato at Regine Arocha.

Sa kabilang dako, inaasahan namang mamumuno sa Lady Altas sa tangka nilang pag-agaw ng korona ng Lady Chiefs si Cindy Imbo.

-Marivic Awitan