Tambalang CPB at Chris sa World Slasher Cup title

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

ANG Amerikanong si Chris Copas ng Kentucky, USA at partner na CPB group (Gov. Claude Baustista) ng Mindanao (CPB and Chris entry) ang solong naghari sa katatapos na 2019 World Slasher Cup 9-Cock Invitational Derby sa makasaysang Smart Araneta Coliseum.

Ang CPB and Chris entry, naglaban ng mga manok-panabong na Kelso, Roundhead at Sweaters na ipinarating sa Mindanao mula sa Amerika dalawang taon na ang nakakaraan, ay nagkamada ng walang bahid na 9-0 karta upang masolo ang kampeonato.

Matapos magsalansan ng 8 puntos, dinaig naman ng CPB & Chris entry ang tinale ni Jomel Gatlabayan upang masiguro ang paghahari. Kung ito ay nabigo,tatabla sa CPB at Copas ang entry ni Gatlabayan.

Ang kaibigan ni Copas na si Joe Brown, ang 2018 Araw Ng Davao champ, ay nagsabi na ang pinakamahuhusay na manok-panabong ay nasa Pilipinas na at ang mapanalunan ang “Olympics of Cockfighting” ay pangrap ng lahat ng sabungero.

Isa pang Kano, si Belle Almojera ng Florida kasama si Santi Sierra ng Cebu ay nagtapos naman na may 7.5 puntos.

Ang matagumpay na 2019 World Slasher Cup 1 ay may buong suporta ng Thunderbird, ang brand na naghahandog ng mga de-kalidad na patuka at vet products na siyang subok at pinagtitiwalaan na winning formula ng mga kampiyon sabungero.

Ang Birthday Gift 1 and 2 entries ng Team Alcala, na may walo at pitong puntos, ayos sa pagkakasunod, ay nag-uwi ng runner-up honors.

Naka-tig pitong puntos naman sina Nene Araneta, Biboy Enriquez, cockfight idol Patrick Antonio, Jomel Gatlabayan and RGBA Friends, Jimmy Junsay, Doc Marvin Rocafort at Cris/Paolo Mercado.