Magtipid sa paggamit ng tubig

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

MABABA na sa normal na lebel ang tubig ng La Mesa Dam, kaya kinakailangan nang magtipid ng tubig ng mga konsyumer nito para masigurong magkakaroon ng sapat na supply ang lahat bago pa man magsimula ang panahon ng tag-ulan ngayong taon.

Ang water level ng dam nitong Sabado ay nasa 72.19 meters, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hydrologist na si Richard Orendain. “That water level is too low,” sabi ni Orendain.

Dagdag pa niya, sa panahon ngayon karaniwang nasa pagitan ng 78 metro at 79 metro ang level ng tubig sa La Mesa.

“Water conservation will help make reserve there available over a longer period,” sabi niya.

Kailangang mapanatili na may maisu-supply na tubig ang La Mesa lalo na at hindi pa tapos ang tag-init, dahil kadalasang nagsisimula ang panahon ng tag-ulan tuwing katapusan ng Mayo at unang linggo ng Hunyo, paliwanag ni Orendain.

Ang pagsasaayos ng mga butas na tubo, paggamit ulit ng gamit nang tubig, pagsasarado ng gripo habang nagsisipilyo at maayos na pagdidilig ng halaman ang ilan sa mga ilang palatuntunan para makatipid sa tubig, ayon sa mga eksperto.

Binanggit din ni Orendain na sa kasalukuyan, ang La Mesa Dam ay mayroong 47-cubic-meter-per-second (cms) alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam, na tanging pinagkukunan nito.

Ang naturang alokasyon ay mas mataas kaysa 44 cms na itinatalaga ng gobyerno para sa La Mesa Dam tuwing tag-init, aniya pa.

Patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa La Mesa Dam dahil sa lumalaking bilang ng populasyon.

Dagdag pa ni Orendain, magiging mas maayos ang pangangasiwa rito kung magkakaroon pa ang dam ng ibang pagkukunan bukod sa Angat Dam.

Ang tubig tumatawid mula sa Angat sa Ipo Dam bago tumutuloy sa La Mesa Dam.

Ang Angat-Ipo-La Mesa water system ang nagsu-supply sa halos lahat ng lugar sa Metro Manila.

“If nothing’s done to conserve La Mesa’s reserve, water level there can dip to about 65 meters or 66 meters by April 2019’s end,” aniya.

Una rito, nagkaroon na ng forecast ang PAGASA ng below-normal rainfall ngayong buwan at sa Marso sa Metro Manila, na kinatatayuan ng La Mesa Dam.

Iilang pag-ulan din ang magaganap sa Metro Manila sa Abril, ayon sa PAGASA, na isa sa pinakamaiinit na buwan sa bansa.

Ang ‘summer’ ng Pilipinas ay mula Abril hanggang Mayo. At malaki ang konsumo sa tubig ng publiko sa mga nabanggit na buwan.

PNA