Perpetual, nakaamba sa kasaysayan sa NCAA volley

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

10 am Letran vs. Perpetual Help (juniors)
2 pm Perpetual Help vs. St.Benilde (men’s)
4 pm Arellano vs. Perpetual Help, (women’s)

MAGTATANGKA ang University of Perpetual Help System Dalta na makapagtala ng panibagong kasaysayan sa tangka nilang pagwawalis sa women’s, men’s at juniors’ crowns ng NCAA Season 94 volleyball tournament.

Nakumpleto ng Lady Altas ang pagpasok ng season host sa finals ng tatlong divisions matapos ang itinalang come-from-behind na 25-17, 27-29, 19-25, 26-24, 16-14 panalo kontra College of St. Benilde Lady Blazers noong Martes sa Filoil Flying V Centre.

Unang nakagawa ng 3-division sweep ang dating miyembrong Ateneo de Manila,noong 1976 bago sila lumipat ng UAAP at inulit ito ng San Sebastian College ng limang beses noong 1984, 1994, 1995, 1996 at 2002 lahat sa ilalim ni legendary coach Roger Gorayeb.

Nakatakdang makasagupa ng Lady Altas sa ang defending champion Arellano University Lady Chiefs sa tampok na laro ngayong 4:00 ng hapon sa pagsisimula ng best-of-3 finals series.

Mauuna rito, makakatapat ng Junior Altas ang Letran Squires ganap na 11:30 ng umaga sa juniors finals bago ang salpukan ng Altas at ng St.Benilde Blazers ganap na 2:00 ng hapon sa men’s finals.

Target ng Lady Altas ang una nilang titulo makalipas ang apat na taon makaraan nilang magwagi ng 3-peat noong 2014.

Ika-12 titulo naman ang hangad ng Altas na target din ang back-to-back championship at season sweep makaraang walisin ang eliminations gayundin ang Junior Altas na asam naman ang ika-11 overall at panglimang sunod na titulo.

“We just want to preserve the tradition in excelling in NCAA volleyball and make our Perpetual Help officials and supporters proud,” pahayag ni UPHSD athletic director Sammy Acaylar.

-Marivic Awitan