Sonsona, kakasa vs world rated Armenian

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

AAKYAT ng timbang si dating WBF International super flyweight champion Lolito Sonsona ng Pilipinas upang kumasa kay one-time world title challenger at WBC No. 8 super bantamweight Azat Hovhannisyan ng Armenia sa 10-round bout sa Pebrero 9 sa Fantasy Springs Casino, Indio, California sa Estados Unidos.

Magsisilbing undercard ang sagupaan nina Sonsona at Hovhannisyan sa pagdedepensa ni WBC super bantamweight champion Rey Vargas kay Franklin Manzanilla ng Venezuela.

Naging WBC Continental Americas super bantamweight titlist muna si Hovhannisyan bago hinamon si Vargas na tumalo sa kanya sa 12-round unanimous decision noong nakaraang Mayo 12, 2018 sa Verona, New York.

May rekord si Hovhannisyan na 15 panalo, 3 talo na may 12 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Sonsona na may 22-2-4 na may 9 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña