Perpetual, hihirit uli sa Benilde spikers

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Centre)

2:00 n.h. — CSB vs EAC (Men Semis)

4:00 n.h. — UPHSD vs CSB (Women Semis)

TULUYANG makumpleto ang upset kontra sa top seed College of St.Benilde upang ganap na makausad ng kampeonato ang tatangkain ng women’s team ng season host University of Perpetual Help sa kanilang knockout match ngayong hapon sa NCAA Season 94 Volleyball Tournament Final Four.

Magtutuos muli ang Lady Altas at ang Lady Blazers ngayong 4:00 ng hapon pagkatapos ng unang salpukan sa pagitan ng CSB Blazers at Emilio Aguinaldo College Generals para sa ikalawang stepladder semifinals ng men’s division ganap na 2:00 ng hapon.

Naipuwersa ng fourth seed Perpetual Help ni coach Michael Cariño ang do-or-die game matapos nilang ma-upset ang second seed CSB, 25-23, 25-21, 20-25, 25-23.

Para kay Cariño, pagkakataon na ito para makagawa muli ng history para sa Perpetual.

“Isa na lang, isa na lang. Gagawa tayo ng history ulit! “ ani Cariño.

“Ngayon happy ulit ako, magse-serve ako sa Perpetual. Gagawa ako ng history sa babae naman, kasi sobrang tagal na rin – ilang taon na rin na wala sa championship. Happy ako kasi malay mo, isang game na lang, abot kami ng Finals. Pagdating ng Finals, malay mo kami ang mag-champion, diba? Walang imposible, basta gusto namin ang ginagawa namin,” aniya.

Samantala sa unang sagupaan, isa pang upset ang target ng Emilio Aguinaldo College sa pagsagupa nila sa second seed Blazers para sa karapatang makatunggali ang outright finalist Altas.

Nauna ng pinataob ng Generals ang Arellano University Chiefs, 24-26, 8-25, 25-20, 25-18, 21-19, sa simula ng stepladder semis.

-Marivic Awitan