Tulung-tulong sa paglilinis sa baybayin ng Aurora

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

HINDI bababa sa 500 katao ang boluntaryong nakilahok nitong Sabado sa province-wide cleanup activity, para linisin ang mga baybayin na karaniwang dinadayo ng mga turista sa Baler, Aurora.

Pinangunahan ng Aurora Police Provincial Office (APPO) ang kampanya na may temang “Best Practice of the PNP’s Environmental Care and Drive Against Lawbreakers (PEDAL)” para sa isang ligtas at makakalikasang tourist destination.

“We are doing this in order to attract more tourists and raise public awareness on environmental care and protection and to forge strong partnership between PNP and the community as a whole,” paliwanag ni Senior Supt. Cosme A. Abrenica, APPO director.

“Local and foreign tourists continue to visit this province and that’s the reason why local officials and the people of Aurora should take care of our coastal beaches since this province is known for surfing and nature’s gateway in Central Luzon,” dagdag pa ni Abrenica.

Nanawagan naman ang opisyal sa mga mamamayan ng Aurora upang muling mangako ng kanilang suporta sa pangangalaga sa karagatan ng Baler sa Aurora, na kilala bilang “surf haven” at nakaharap sa Dagat Pasipiko.

Pagbabahagi ni Abrenica, lubos ang kasiyahan ng pulisya sa malaking bilang ng mga nakilahok sa kampanya.

Nagtulung-tulong sa pagpupulot ng mga basura at iba pang mga kalat sa mahabang baybayin ng Sabang beach, pinakakilalang surfing spot sa lugar, ang mga kalahok na kinabibilangan ng mga lokal na opisyal at empleyado ng pamahalaang panglalawigan ng Aurora, mga sundalo mula sa 91st Infantry Battalion; mga miyembro ng Kabalikat Civicom; mga kasapi ng Tricycle Operators and Drivers Association; Aurora Ready Reserve Command ng militar; Aurora Philippine National Police (PNP) Press Corps; Noble Blue Falcons Environmentalists; Bureau of Fire Protection; pamahalaang bayan ng Baler; Philippine Guardians Brotherhood Inc. (PGBI); at Aurora Surf Riders Association Inc. (ASRAI).

PNA