MILF Chief Murad, ‘first time’ ang boto sa BOL

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

SULTAN KUDARAT, Maguindanao – Sumisigaw ng “Alahu Akbar” ang mga mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang naglalakad si MILF Chairman Al Hadj Murad patungo sa voting precinct sa loob ng Simuay Junction Elementary School sa Sultan Kudarat, Maguindanao, upang bumoto sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) kahapon.

BUMOTO SI LOLA Inasistihan ng babae ang kanyang lola sa pagboto sa plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law, sa Cotabato City, kahapon. (KEITH BACONGCO)

BUMOTO SI LOLA Inasistihan ng babae ang kanyang lola sa pagboto sa plebisito
para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law, sa Cotabato City, kahapon.
(KEITH BACONGCO)

Gaya ng maraming mujahideen, ito rin ang unang beses na boboto si Murad.

Napapaligiran ng kanyang security escorts, pumasok si Murad sa silid-aralan at sandaling namahinga sa sofa sa tabi ni Mayor Tucao Mastura.

Sinabi ni Murad sa mga mamamahayag na siya ay “very excited, also very happy”.

Kalaunan, tumayo siya sa harap ng isang election officer, at nilingon ang nangakapaligid na mga mamamahayag.

“First time kong bumoto,” ani Murad.

Tinawag ng election officer ang tunay na pangalan ni Murad na “Ebrahim, Ahod Murd Balawag” at iniabot ang kanyang balota.

“We have arrived at this point when we are from the bullets to polls,” sabi ni Murad, at inilarawan ang plebisito na “very historic”.

Itinaas ang kanyang hinlalaki na may marka ng indelible ink, sinabi ni Murad sa media: “This signifies the transformation from armed struggle to democratic process.”

Umaasa si Murad na mararatipikahan ang BOL upang maitatag na ang bagong Bangsamoro government.

“We are very hopeful, we are optimistic that this BOL will be an instrument for peace,” ani Murad.

Ito rin ang hinahangad ng mga botante sa Cotabato City, naniniwalang sa pamamagitan ng kanilang mga boto ay magiging “better city” ang siyudad.

Sakaling maratipikahan ang BOL, isasagawa na ang decommissioning o pagsusuko ng tinatayang 40,000 armas ng mga mandirigma ng MILF.

Sa kabuuan, naging “really peaceful” ang unang unang araw ng plebisito, ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM)- Commission on Elections (Comelec) chief, Rey Sumalipao, at walang naitalang untoward incidents.

Maliban na lang, aniya, sa ilang kaguluhan sa Cotabato City.

Nauna nang naantala ang pagsisimula ng halalan sa Cotabato City matapos umanong makatanggap ng pagbabanta sa kanilang seguridad ang mga guro na nagserbisyo doon.

Nabatid na nag-backout din ang mga guro sa 24 na clustered precinct sa lungsod dahil sa pangamba para sa kanilang seguridad.

Dahil dito, kinailangang mag-take over ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang mangasiwa sa halalan.

May granada rin umanong nadiskubre sa tabi ng tatlong paaralan, ngunit kaagad namang na-detonate ang mga ito.

May mga nabuking din na flying voters, kabilang ang isang 17-anyos na lalaki, na umaming hindi siya residente doon.

May ilang grupo rin umanong nanakot sa mga botante.

Sa Pebrero 6 idaraos ang ikalawang araw ng plebisito.

May ulat

ni Mary Ann Santiago

-KEITH BACONGCO at ZEA C. CAPISTRANO