Mas mahabang biyahe ng MRT, LRT, giit

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Isinusulong ngayon sa Kongreso ang pagpapalawig sa oras at operasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) upang matulungan ang mga pasahero laban sa matinding trapiko.

Ito ang panawagan ng pinuno ng House Committee on Metro Manila Development, Quezon City Rep. Winston Castelo, kasabay ng paghahain niya ng panukala sa Kamara upang gawing mandatory sa lahat ng opisyal ng pamahalaan ang pagsakay sa pampublikong transportasyon isang beses sa isang buwan, upang maranasan ng mga ito ang mag-commute sa Metro Manila.

Sinabi ni Castelo na gagawin ng Mababang Kapulungan ang “legislative persuasion” upang makumbinse ang management ng LRT at MRT na ikonsidera ang kanyang rekmendasyon na palawigin ang oras ng biyahe ng kahit dalawang oras sa gabi.

Ipinaliwanag ni Castelo na maraming pasahero, lalo na ang mga umuuwi galing sa trabaho, ang nagtitiyagang makipagsiksikan sa mga bus at jeepney dahil sa “short operation hours” ng MRT, LRT sa Metro Manila, na hanggang 10:00- 10:30 ng gabi lang araw-araw.

Kasabay nito, nanawagan din ang kongresista para sa mandatory na pagsakay sa pampublikong sasakyan ng mga opisyal ng gobyerno isang beses sa isang buwan.

“I will file the bill so that so that our officials will feel for themselves the gravity of the problem. Baka hindi nila nalalaman na napakahirap ng buhay para sa mga mananakay,” ani Castelo.

-Ben R. Rosario