‘Born Beautiful’, R-16 na

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

MASAYANG ibinalita ni Direk Perci M. Intalan na R-16 na ang Born Beautiful at hindi na R-18 tulad ng unang ibinigay na rating ng MTRCB sa ginanap na pocket presscon nina Martin del Rosario at Direk Jun Lana kahapon.

Martin copy

Sadyang inilaban ng direktor/producer na maging R-16 ang Born Beautiful para payagan silang maipalabas sa lahat ng SM cinemas.

“Ang saya, ngayon maipapalabas na kami sa SM cinemas, dati kasi nasa 70 theaters lang nu’ng R-18 pa, ngayon sabi sa akin, nasa 140 cinemas na. Sana madagdagan pa,” masayang sabi ni PMI (tawag namin kay direk Perci).

Dalawang version daw ang pelikula, isang R-18 at isang R-16. Wala raw pinutol na mga eksena sa pelikula kundi nagdagdag lang ng bleep-bleep si Direk Perci sa mga linya ni Chai Fonacier na masyadong bulgar.

Ikinatwiran pa ng direktor na first time in history na walang local film na ipalalabas ang SM cinemas sa Enero 23 kung itutuloy ang R-18.

Samantala, panay naman ang bati kay Martin kahapon dahil sa mahusay niyang pagkakaganap bilang si Barbs na walang takot sa kissing at love scenes kina Kiko Matos at Akihiro Blanco.

Tinanong namin kung nagpaalam ba ang aktor sa magulang niya na gagawin niya ang Born Beautiful: “Hindi na po kailangan, ako na po ang nag-decide saka alam na rin naman ng parents ko kasi napanood nila ang Die Beautiful, so may ideya na sila na may mga ganu’n akong gagawin sa Born Beautiful,” kuwento ni Martin.

Diretsong tanong namin, hindi ba siya nag-alangang tanggapin ang karakter na Barbs dahil baka ibalik na naman ang mga dating isyung gay siya?

“Hindi na po ako affected kung ibalik nila, sa akin po trabaho lang naman at okay naman so hindi ko na iniisip ang sasabihin ng iba,” katwiran ng aktor.

Hindi naman naalangan si Martin sa torrid kissing scenes niya sa dalawang leading man niya dahil mas matindi pa nga raw ‘yung sa TV series dahil sa Cignal TV ito mapapanood.

“’Yung movie version po, wala po ‘yan, kumbaga napakaliit kung ikukumpara sa TV version,” napangiting sabi ng binata.

Wala raw silang hiya-hiyang tatlo nina Kiko at Akihiro sa kissing scenes. “Dati kasi, nagma-mouthwash pa kami, e, ilang oras na kaming naghihintay at inaabot na kami ng umaga tapos malayo pa ‘yung standby area so sabi namin sa isa’t isa, wala nang mouthwash. Lasang kape o amoy kape na kami kasi uminom kami ng kape,” masayang kuwento ni Martin.

Anyway, maraming eksenang nakakatuwa at nakakaaliw sa Born Beautiful na mapapanood na sa Enero 23 produced ng Octobertrain, Cignal TV at Ideafirst Company.

-Reggee Bonoan