Wanted na ex-Taiwanese official, timbog

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Natimbog ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang dating mataas na opisyal ng Taiwan na wanted dahil umano pagkakadawit sa isang scam sa kanilang bansa, sa isang operasyon sa Subic, kamakailan.

Kinilala ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, ang dating Taiwanese official na si Wu Chien Pao, 68.

Si Pao ay dinampot ng mga tauhan ng Fugitve Search Unit ng ahensya sa Subic Freeport Zone sa Zambales, nitong Enero 16, matapos humingi ng tulong sa kanila ang pamunuan ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Maynila.

Ayon kay Morente, si Pao ay dating Speaker ng Tainan County at matagal na itong pinaghahanap sa Taipei mula pa noong Oktubre 2015 sa kasong panloloko.

Isinasangkot si Pao sa pagmamanipula ng resulta ng laro sa China Professional Baseball League sa pakikipagsabwatan umano nito sa mga illegal gambling syndicate kung saan dawit din ang ibang mga sikat na manlalaro sa kanilang bansa.

“He will be deported for being an undesirable and undocumented alien,” ayon sa opisyal na ang tinutukoy ay si Pao na expire na rin ang pasaporte noong Abril 2017.

-Jun Ramirez at Mina Navarro