Role ng may autism, minani lang ni Arjo

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

NO wonder binigyan ng ‘perfect 10’ ni Ms Maricel Soriano ang acting ni Arjo Atayde sa The General’s Daughter bilang si Elai, na may autism. Napakahusay naman pala talaga ng pagganap niya.

Arjo copy

Unang eksena ng aktor nang makita niya si Angel Locsin na walang malay sa dalampasigan habang naglalakad siyang may bitbit na mga bato. Nasambit niya, “Ta-o, tao! Tao! Nanang (Maricel), may tao!”

Normal ang hitsura ni Elai at guwapo, kaya hindi mo iisiping may autism siya, at malalaman lang kapag nagsalita na siya.

Nagdududa ang lahat sa pagkatao ni Angel pero sinagot sila ni Elai: “Paano kung hindi siya masamang tao?” Sa serye, nagsasalita si Arjo pero wala siyang emosyon, at kung saan-saan nakatingin.

May nagsabing paalisin si Angel kapag nagkamalay na. Ang sabi ni Elai sa Nanang niya, “Akin na lang si Dyosa, ako naman unang nakakita.”

Kuhang-kuha ni Arjo ang body movements ng taong may autism, at kung hindi mahusay ang artista ay medyo mahihirapan itong gampanan ang nasabing karakter.

Pagkatapos ng screening ay palakpakan ang lahat, at puring-puri ng lahat si Arjo, na sumabay sa acting nina Maricel, Albert Martinez, JC de Vera, Paulo Avelino, Tirso Cruz III, at Angel.

May naringgan kaming artistang nagkomento: “Kung mahina kang artista, tiyak lalamunin ka ng Arjo Atayde na ‘to.”

Biruan naman ng mga leading man ni Angel sa serye na sina JC at Paulo: “Paano mo ginawa ‘yun?”

May sumagot: “G*go, umarte ‘yang si Arjo.”

Mukhang malilimutan na si Joaquin Tuazon sa FPJ’s Ang Probinsyano at si Biggie Chen sa pelikulang Buy Bust, mga karakter ni Arjo na sobrang kinamuhian ng lahat dahil sa kasamaan, dahil tiyak na mamahalin siya ng marami sa The General’s Daughter bilang si Elai.

Hindi na namin ikukuwento ang iba pang eksena sa The General’s Daughter dahil mas magandang panoorin ito ng lahat ngayong gabi, pagkatapos ng Ang Probinsyano, handog ng Dreamscape Entertainment, sa direksiyon nina Mervyn Brondial at Manny Palo.

-Reggee Bonoan