Unang bagyo, posible sa Biyernes

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang namumuong sama ng panahon sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) na posibleng maging bagyo at pumasok sa bansa sa Biyernes.

Sa huling weather bulletin na inilabas ng PAGASA nitong Martes, sinabi ng ahensiya na isang low pressure area (LPA) ang namataan may 2,885 kilometro sa silangan ng timog-silangan ng Mindanao.

Ayon kay Ariel Rojas, PAGASA weather specialist, habang nasa dagat pa ang LPA ay maaari itong maghakot ng lakas at maging tropical depression bago pumasok sa bansa.

Kapag naging bagyo, tatawagin itong ‘Amang’, ang unang bagyo sa bansa ngayong taon.

Samantala, maayos na panahon na may kasamang mga pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ang mararanasan dahil sa patuloy na epekto ng hanging amihan sa Luzon at Visayas.

Sa Cagayan Valley at Aurora, maulap na papawirin na may kasamang mahinang pag-ulan ang inaasahan dala ng amihan, habang ang Visayas, Metro Manila, at natitirang bahagi ng Luzon ay makakaranas ng maulap hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang mga pag-ulan.

Localized thunderstorms naman ang makaaapekto sa Mindanao.

-Alexandria Dennise San Juan