Bouchard vs William sa Aussie Open

Filed under Tennis Balita RSS RSS Feed

MELBOURNE, Australia (AP) — Umusad sa second round si Eugenie Bouchard nang magaan na gapiin si wild-card entry Peng Shuai ng China, 6-2, 6-1, nitong Lunes (Martes sa Manila) sa Australian Open sa Melbourne Park.

IBINALIK ni Eugenie Bouchard ang bola sa forehand shot laban kay Peng Shuai ng China sa first round match ng Australian Open tennis championships nitong Martes sa Melbourne, Australia. (AP)

IBINALIK ni Eugenie Bouchard ang bola sa forehand shot laban kay Peng Shuai ng China sa first round match ng Australian Open tennis championships nitong Martes sa Melbourne, Australia. (AP)

Na-saved ni Peng ang isang match point sa kanyang service play, ngunit nakabawi ang Canadian star para makumpleto ni Bouchard ang panalo sa loob lamang ng 59 minuto.

Target ng 2014 Wimbledon finalist na muling mapataas ang ranking matapos malaglag sa 79 sa pagtatapos ng 2018 season.

Masusukat ang kahandaan ng dating World No.5 at 2014 Australian Open at French Open semifinalist, sa pakikipagtuos kay 23-time Grand Slam singles champion Serena Williams sa Huwebes.

Nakalusot si Williams, unang sabak sa Melbourne Park mula nang manalo noong 2017 finals, nang gapiin si Tatjana Maria, 6-0, 6-2, sa pinakamabilis na 49 minuto.

Hindi nakapagdepensa si Williams sa kanyang titulo sa nakalipas na season matapos magsilang sa unang supling.

Nagwagi rin si Madison Keys, 2017 U.S. Open finalist, kontra sa 18-anyos wild-card entry na si Destanee Aiava, 6-2, 6-2.

“I expected it to be tough — obviously playing an Aussie on Rod Laver. Thanks for the love, anyway,” pahayag ni Keys.

Ginapi naman ng seventh-seeded na si Karolina Pliskova, kampeon sa Brisbane International kamakailan, ang kababayang Czech na si Karolina Muchova 6-3, 6-2.