PNP: 19 lugar, election hotspots

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Tinukoy ng Philippine National Police (PNP) ang 19 na bayan at siyudad sa Luzon at Mindanao bilang mga election watchlist areas kaugnay ng halalan sa Mayo 13, 2019.

Sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na ang nasabing mga lugar ay may record ng mga insidente ng karahasan tuwing eleksiyon, bukod pa sa may presensiya ng mga armadong grupo at iba pang grupong banta sa seguridad, gaya ng mga rebelde, kaya napabilang ang mga ito sa listahan ng election hotspots.

Ayon kay Albayalde, tututukan ng pulisya ngayong election period ang seguridad sa mga bayan ng Sudipen, Balaon, at Jones sa Isabela; Lemery sa Batangas; Roxas sa Oriental Mindoro; Balud at Dimasalang sa Masbate; Daraga sa Albay; Pagadian City sa Zamboanga del Sur; Cagayan de Oro City; Hadjih Mohammad Ajul, Lantawan, at Tipo- Tipo sa Basilan; Marawi City; Sultan Dumalondong, Mamasapano, Shariff Aguak, Shariff Saydona Mustapha, at Datu Unsay sa Maguindanao.

Noong una ay 18 lugar lang ang nasa watchlist ng PNP, pero nadagdag ang Daraga sa Albay kasunod ng akusasyon na ipinapatay umano ni incumbent Mayor Carlwyn Baldo si AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, na makakalaban sana niya sa pagkaalkalde ng bayan sa Mayo.

“We also included intense rivalry and presence of big threat groups as the reasons for the inclusion in the list,” ani Albayalde.

Partikular ding tinututukan ng PNP ang pagtiyak sa seguridad sa Cotabato City at mga karatig na lugar kasunod ng pambobomba sa labas ng mall sa siyudad nitong Disyembre 31, na ikinamatay ng tatlong katao at ikinasugat ng mahigit 30 iba pa.

Ayon kay Albayalde, nag-deploy na ang PNP ng isang batalyon ng mga police commando sa Cotabato City para sa idaraos na plebisito para sa Bangsamoro Organic Law sa susunod na linggo—na sinasabing dahilan ng pambobomba.

-Aaron B. Recuenco