‘Di ako deserving sa titulo—Angel

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

SA tagal ni Angel Locsin sa showbiz ay siya lang yata ang wala pang titulo dahil ayaw niya at naiilang siya.

“Oo, nakakailang kaya ayoko ng may title. Pati nga itong plug ng ‘The General’s Daughter’ na, ‘She is back.’

“Ang tagal bago ko ito ni-repost kasi naiilang akong ‘She is Back’ ganu’n. Parang one week yata bago ko ni-repost kasi parang hindi ko deserve and mas gusto kong i-push ‘yung team work, mga kapwa artista ko, galing ng direktor namin, ang galing ng production team. Mas nandoon ako kaysa sa ‘She is Back!’

“I’m very thankful na ganu’n ‘yung ipinakita nilang suporta pero honestly for me, feeling ko, hindi ako deserving do’n,” katwiran ng aktres.

Pero ipinagpilitan pa rin ng katotong nagtanong na marami nang naabot si Angel na hindi pa naaabot ng ibang sikat ding artista, na may mga titulo na.

“Okay lang ako ro’n sa record. Sa trabaho kasi natin ‘to, madali. May nagsasapatos sa ‘yo, nagsusuklay sa ‘yo, nagbibihis sa ‘yo, pagdating mo nakahain na ang pagkain mo, madali talaga, kaya siguro maganda rin kung maging aware ka sa bawat katabi mo kung ano ‘yung pinagdadaanan mo na baka bad trip ka nu’ng araw na ‘yun tapos ‘yung katabi mas grabe ang pinagdadaanan, so mas magiging humble ka. Mas magiging concerned ka, ganu’n ‘yung sa akin.

“May mga moments na mayabang din ako, lahat naman meron. Feeling ko hindi ko naman kayang tumayo rito sa harap n’yo ng walang ganu’n, pero kailangan kong i-control ‘yung demon inside me at kailangan mong i-face ‘yung reality, hindi lahat ng bagay tungkol sa ‘yo. Hindi nagwo-work ang isang project kung ikaw lang, team ‘yan dapat,” ito ang mahabang paliwanag ni Angel.

Napag-usapan din kung gaano kabuting anak at kapatid si Angel na hindi na namin ikukuwento dahil baka ayaw niyang i-share, pero kung ano ang nakikita ng publiko sa kanya na tumutulong sa ibang tao ay for sure may ideya na kayo kung paano siya sa pamilya niya.

Good thing na ibinahagi niya sa kanyang Instagram account ang nabili niyang beach resort sa Zambales na hiling ng daddy niya. Kapag kasi may nabibiling property ang aktres ay ayaw niya itong ikuwento hanggang sa malalaman na lang.

Pero gusto naming i-share na mahilig bumili ng property si Angel. Pinatataas niya ang presyo nito saka niya naman ibebenta tulad ng nabili niyang beach resort sa Batangas.

Anyway, base sa pagkakaalam namin ay malaking ektaryang lupa ang nabili niya sa Talisayen Cove, Zambales, na kita naman sa pinost niyang larawan.

Abangan na lang ulit ang iba pang post ni Angel na tiyak na ikagugulat din ng lahat.

Going back to The General’s Daughter, ay looking forward na ang lahat sa serye dahil sa ganda ng trailer nito.

Natanong pala namin ang creative consultant ng Dreamscape Entertainment na si Rondel Lindayag kung magkaiba ang kuwento ng teleseryeng ito sa pelikulang The General’s Daughter na pinagbidahan nina John Travolta, James Woods, Madeleine Stowe, at James Cromwell.

“Malayo, pareho lang ng titulo kasi ito ang gusto ni sir Deo (Endrinal), pero magkaibang istorya. Kasi sa film, alam nu’ng bidang babae na tatay niya ang nagpapahirap sa kanya. Dito naman kay Angel, hindi naman niya alam na tatay niya si Albert (Martinez),” paliwanag sa amin ng Dreamscape executive.

Dahil pareho ang titulo ay tinanong din namin kung humingi pa sila ng permiso sa US para gamitin ito, “hindi namang kinailangan na,” say ni Rondel.

-Reggee Bonoan