OPBF light flyweight crown, idedepensa ni Heno

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

IDEDEPENSA ng walang talong si OPBF light flyweight champion Edward Heno ng Pilipinas ang kanyang korona sa 35-anyos na Hapones na si Koji Itagaki sa Pebrero 11 sa NTT Cred Hall, Hiroshima, Japan.

Inaasahang magaaan na kalaban si Itagaki para kay Heno na natamo ang OPBF title nang patulugin sa Seita Ogido sa 7th round nitong Setyembre 10, 2017 sa University of the Ryukyus, Nakagami, Japan.

Ikatlong pagtatanggol ito ni Heno ng kanyang OPBF makaraan ang magkasunod na matagumpay na depensa kina ex-WBO minimumweight champion Merlito Sabillo at Philippine junior flyweight titlist at world rated Jessie Espinas.

Malaki ang mawawala sa 26-anyos at kaliweteng si Heno kung mabibigo kay Itagaki na natalo via knockout sa 1st round kay two-time world title challenger Warlito Parrenas noong 2011 at IBO junior flyweight champion Rey Loreto via 4th round TKO noong 2016 sa mga laban sa Japan.

Nakalista si Heno na No. 4 sa WBO at No. 6 sa WBC, WBA at IBF light flyweight rankings at nakalinya nang kumasa sa world title bout sa taong 2019.

May rekord si Heno na 13-0-5 win-loss-draw na may 5 pagwawagi sa knockouts kumpara kay Itagaki na may kartadang 18-13-3 na may 7 panalo sa knockouts.

-Gilbert Espeña