Kambal na biyaya

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

WALA na akong makitang dahilan upang magpaumat-umat ang mga mambabatas sa pagpapatibay ng panukalang-batas na nagtataas ng buwis sa tabako at alak . Mismong si Pangulong Duterte ang nagpahayag na ang nasabing bill ay isang ‘urgent measure’ na kailangang pagtuunan ng kagyat na pansin ng mga Senador at Kongresista.

Ang naturang bill ay natitiyak kong magdudulot ng kambal na biyaya sa sambayanan, lalo na sa katuald naming malimit dalawin ng karamdaman. Ang dagdag na buwis mula sa nabanggit na mga produkto ay iuukol sa universal health care program ng pamahalaan—isang programa na naglalaan ng sapat na pondo para sa lahat ng may sakit; maaaring magpapagaan ito sa magastos na pagpapaospital at pagbili ng mamahaling gamot.

Ang pagpapataw ng dagdag na buwis sa tabako at alak ay bahagi ng mga reporma sa buwis na itinatadhana ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na naglalayong makalikom ng malaking pondo para sa mga programang pangkaunlaran. Pangunahin dito ang infrastracture projects.

Totoong malaking biyaya ang maidudulot ng pagtataas ng tinatawag na sin taxes na mula sa mga tabako at alak. Gayunman, hindi kaya ito mangahulugan ng mistulang pagpatay sa nabanggit na mga produkto? Hindi kaya ito makapagpahina sa loob ng tobacco farmers? Bigla kong naalala ang ating mga kababayan sa Ilocos region na nabubuhay lamang sa pagtatanim ng tabako. At, ito kaya ay naghahatid ng naiibang hudyat sa mga tobacco at wine manufacturers?

Sa isang okasyon, walang kagatul-gatol na ipinahiwatig ng Pangulo: Stop smoking and live longer. Bilang isang dating smoker, nais ng Pangulo na bigyang-diin ang mapanganib na paninigarilyo; na ito ay nagpapaigsi ng buhay at nagiging dahilan ng sakit na emphysema at cancer. Ito ang dahilan kung bakit ipinagbawal niya ang paninigarilyo sa buong bansa, tulad ng kanyang ginawa sa Davao City noong siya ay isa pang Alkalde.

Sa kabila ng nabanggit na mga argumento at kautusan, ang mahalaga ngayon ay madaliang pagsasabatas sa nabanggit na bill. Ang dagdag na buwis sa tabako at alak ay maituturing na makabuluhan at napapanahong biyaya sa mga mamamayan, lalo na nga sa mga nangangailangan ng pangangalagang pangkalusugan, tulad ng itinatadhana na ng universal health care program.

-Celo Lagmay