Gold medalist bowler, binistay

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Patay ang isang gold medalist bowler nang pagbabarilin ng ‘di pa nakikilalang salarin sa loob ng bowling center sa Greenhills, San Juan City, kahapon.

Angelo Constantino at kapwa ace bowler Paeng Nepomuceno (mula sa FB ni Constantino)

Angelo Constantino at kapwa ace bowler Paeng Nepomuceno (mula sa FB ni Constantino)

Ayon kay Eastern Police District (EPD) director, Police Chief Supt. Bernabe Balba, dead on arrival si Angelo Nathaniel Constantino, nasa hustong gulang, general manager ng E-lanes Bowling Center, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ng San Juan City Police, na pinamumunuan ni Police Senior Supt. Dindo Reyes, naganap ang krimen sa loob mismo ng E-Lanes Bowling Center na matatagpuan sa 416 Ortigas Avenue, Greenhills, San Juan City, bandang 5:00 ng hapon.
Nagmemeryenda umano ang biktima sa isang cafeteria na matatagpuan sa loob ng naturang bowling center nang pumasok ang salarin at nagpanggap na customer.
Nang makita ang biktima ay agad umanong ng salarin at pinagbabaril.
Nang matiyak na napuruhan ang target, mabilis na tumakas ang salarin, sakay sa dilaw na scooter, na minamaneho ng kasabwat nito, patungo sa direksiyon ng Aurora Boulevard, sa Quezon City.
Bigo ang mga saksi na makilala ang salarin, na inilarawang nakasuot ng asul na T-shirt at denim shorts at naka-face mask.
Napag-alaman na si Constantino ay miyembro ng Philippine national bowling team, na lumahok sa World Youth Bowling Championship sa Venezuela noong 1992, at nakapag-uwi ng gintong medalya.

Mary Ann Santiago