Catalan, agresibo sa panalo sa Jakarta

Filed under MMA, ONE Championship Balita RSS RSS Feed

MULA sa masalimuot na career, tinatamasa sa kasalukuyan ni Robin ‘The Ilonggo’ Catalan ang tamis ng tagumpay sa ONE Championship.

Naipanalo ni Catalan ang dalawa sa huling tatlong laban sa The Home Of Martial Arts sa 2018 edition, tampok ang impresibong submission win kontra Adrian “Papua Badboy” Matheis sa ONE: BATTLE FOR THE HEAVENS nitong Hulyo.

Sa kabila ng pagkabigo sa beteranong martial artist Hayato Suzuki via submission sa ONE: KINGDOM OF HEROES nitong Oktubre, nanaig ang determinasyon ni Catalan para magbalik sa ensayo at muling ipagpatuloy ang ratsada.

“I still want to improve my grappling and wrestling. That is one of our main goals this 2019,” pahayag ni Catalan.

“Those are areas that we, as a team, feel that we lack and needs major improvement, so we will focus more on that for this year,” aniya.

Inaasanang maipapamalas ni Catalan ang mga bagong istratehiya at diskarte sa grappling sa kanyang pakikipagtuos kontra hometown favorite Stefer “The Lion” Rahardian sa ONE: ETERNAL GLORY sa Enero 19 sa Jakarta, Indonesia.

Kahanga-hanga si Rahardian na naipanalo ang lima sa siyam na laban via submission kung kaya’t kinatatakutan ang husay nito sa grappling na siyang kahinaan ni Catalan.

Personal na nasaksihan ni Catalan ang pagsasanay at paghahanda nang nakatatandang kapatid na si Rene para mapagtagumpayan ang laban kay dating undefeated Indonesian sa strawweight clash sa ONE: REIGN OF KINGS nitong Hulyo.

Tanyag si Catalan, isang IFMA Muay Thai World Champion, sa bilis at disiplina para sa laban.

Inamin ng tinaguriang “The Ilonggo” na mabigat na kalaban si Rahardian kung kaya’t kalilangan niya ang karagdagang panahon para sa pagsasanay.

“I think he’s a good grappler, but his striking is not as a threat as he is on the ground,” sambit ni Catalan.

“I’ll study his match against my brother to see how Rene was able to get the win, and maybe add some of the things I have been working on as well.”

Kumpiyansa siya na maigaganti ang kapatid at mangingibabaw sa Jakarta bout.

“I just need to follow the game plan that we have. Regardless if it’s a decision or a knockout, my hand will be raised after the match,” aniya.