10,000 sundalo, magbabantay sa plebisito

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Tinatayang aabot sa 10,000 sundalo ang ipinadala sa Mindanao upang tiyakin ang seguridad ng idaraos na plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Enero 21 at Pebrero 6.

Bukod dito, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, Gen. Benjamin Madrigal, na nakahanda ang militar na magpadala ng karagdagan pang puwersa kapag lumala ang sitwasyon sa rehiyon.

“Everything is in place for the security, especially in the case of Mindanao, and we have added security measures and intelligence monitoring for threat group. We have enough forces to ensure the peaceful and conduct of plebiscite,” sabi ni Madrigal.

Ang 10,400 na sundalo ay magsisilbing augmentation sa libu-libong awtoridad na ipakakalat din sa mga lugar sa Mindanao na nasasaklawan ng plebisito, ayon kay Madrigal.

Nauna nang tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magpapadala ito ng isang batalyon ng Special Action Force (SAF) sa Cotabato kasunod ng pambobomba sa labas ng isang mall sa nitong Disyembre 31, na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng 34 na iba pa.

Bukod sa plebisito, nakatuon din ang mga awtoridad sa seguridad ng midterm elections sa Mayo 13.

Kahapon, nagpulong ang mga opisyal ng militar, PNP at Commission on Elections (Comelec) sa Camp Crame upang talakayin ang mga paghahanda para sa plebisito at sa halalan.

Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, layunin nitong mailatag ang maayos na security plan at paghahanda upang matiyak ang payapa at maayos na plebisito at midterm elections.

-Aaron B. Recuenco