Plania, sasabak sa matibay na Mexican

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

Kumpirmado nang ang matibay na si Ramiro Robles ng Mexico ang makakaharap ni “Magic” Mike Plania ng Pilipinas sa undercard ng depensa ni Jose Uzcategui ng Venezuela sa Amerikanong si Caleb Plant sa Enero 13 sa Microsoft Theatre, Los Angeles, California sa Estados Unidos.

Unang inulat ng Balita na si Robles ang makakasagupa ni Plania base sa promosyon ni matchmaker Tom Brown sa pakiusap ni eight-division word titlist Manny Pacquiao na bigyan ng pagkakataon ang Pinoy boxer sa undercard na tatampukan din ng pagbabalik ni dating WBA at WBO super bantamweight champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba sa super featherweight bout laban kay Giovanni Delgado ng Mexico.

Nakaharap ni Robles si WBC at WBO No. 1 featherweight Mark Magsayo noong Setyembre 24, 2016 sa Stubhub Center, Carson California at bagamat napabagsak siya sa 2nd at 7th rounds ay nagwagi lamang ang Pinoy boxer sa 12-round unanimous decision sa sagupaan para sa WBO International 126 pounds title.

“Philippines’ Michael A. Plania will meet Mexico’s Ramiro Robles in an eight-round super bantamweight match. Rounding out the slate of non-televised fights is Desoto, Texas-welterweight Amon Rashidi battling Evincii Dixon in a four-round match,” ayon sa ulat ng Fightnews.com.

May magandang rekord si Plania na 17 panalo, 1 talo na may 10 pagwawagi sa kanockouts samantalang si Robles ay may kartadang 15-8-2 win-loss-draw na may 9 panalo sa knockouts.

-Gilbert Espeña