Claudine at Mark, pinalitan nina Cristine at Xian

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

SA ilang kadahilanan, hindi na si Claudine Barretto ang bidang babae sa bagong pelikula ng Kita Kita director na si Sigrid Andrea Bernardo sa Viva Films, ang The Georgia Film Project.

Xian at Cristine

Ang dapat sana’y reunion movie nang mag-ex na Claudine at Mark Anthony Fernandez ay ibinigay na kina Cristine Reyes at Xian Lim. Bago pa matapos ang taong 2018, sina Cristine at Xian na ang final choice ng Viva para pagbidahan ang movie na The Georgia Film Project na sa Georgia ang magiging location.

Una pa kay Xian, na-consider din si Derek Ramsay bilang kapareha ni Cristine pero hindi nag-materialize.

Ikatlong movie team-up ni Xian kay Cristine ang The Georgia Film Project sa Viva Films mula nang umalis siya sa pangangalaga ng Star Magic, ang talent management arm ng ABS-CBN.

Ang blockbuster movie ni Sarah Geronimo na Miss Granny ang unang pelikula na kinabilangan ni Xian mula nang siya ay pumirma ng kontrata sa Viva. Nasundan ito ng tambalan nina Xian at Louise delos Reyes sa Baka Hanggang Dito Na Lang, na may playdate na February 6, 2019.

Si Bona Fajardo ang direktor ng Baka Hanggang Dito Na Lang, kung saan ang mga eksena ay kinunan sa Saga Prefecture sa Kyushu, Japan.

Sa parte naman ni Cristine, magiging abala rin siya ngayong 2019 sa paggawa ng pelikulang Maria, isang hardcore action movie ng direktor na si Pedring Reyes na balak isali sa mga international film festival.

-Ador V. Saluta