Balutan, umalma sa illegal na PCSO logo

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

NAGBABALA nitong Biyernes ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga operator ng Peryahan ng Bayan na sila ay kakasuhan kung hindi sila titigil sa paggamit ng pangalan at logo ng ahensiya sa kanilang operasyon.

Balutan

Balutan

Ayon kay PCSO General Manager Alexander Balutan nakatanggap ang ahensya ng mga ulat na ang Peryahan ng Bayan ay patuloy na ginagamit ang pangalan at logo ng PCSO sa kanilang operasyon na nagiging sanhi ng kalituhan sa publiko.

Matatandaang winakasan ng PCSO noong Marso 2016 ang deed of authority (DOA) na ibinigay nito sa PNB, na pinatatakbo ng Globaltech Mobile Online Corp. ngunit patuloy pa rin ang loterya sa iligal na operasyon nito.

“Ang paggamit ng logo ng PCSO upang maging lehitimo sa mga mata ng mga mananaya ay iligal. Walang karapatan ang Globaltech na gamitin ang logo ng PCSO dahil hindi na pinahintulutan ng ahensya ang PNB na magpatakbo, “ani Balutan.

Dagdag pa nito, hindi na raw niya hahayaan ang pang-aabuso at gamitin ang pangalan ng ahensya sa anumang anyo ng mga iligal na gawain.

“Ang ginagawa ng Globaltech ay isang malaking insulto sa pangalan ng ahensiya dahil ang PNB ay iligal na nagpapatakbo, di-makatarungang nakikipagkumpetensya sa tanging awtorisado at legal na numero ng laro ng PCSO, ang Small Town Lottery (STL),” diin ni Balutan.

Sa kasalukuyan, ang PCSO ay may 82 Authorized STL Agents (ASAs) na nagpapatakbo ng STL sa kanilang mga lokalidad at sumusunod sa mga kinakailangan ng PCSO. Ngunit ang ilan sa mga ito ay nagdurusa ang kita dahil sa patuloy na pagpapatakbo ng PNB sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Dapat nating protektahan ang mga operasyon ng STL dahil nagdudulot ito ng malaking epekto sa kita ng PCSO,” ani Balutan.

Ayon pa kay Balutan, ang mga operator ng STL mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nagsusumamo sa PCSO na patigilin ang operasyon ng PNB na hindi makatarungang nakikipagkumpitensya sa operasyon ng STL salungat sa interes ng publiko.

Sinabi rin ni Balutan na ang mga kita mula sa STL ay nakakatulong na suportahan ang mga programa at serbisyo sa kalusugan ng administrasyong Duterte para sa mga mahihirap.

“Ang STL ang ikalawang pinakamalakas na produkto ng PCSO, kasunod ng Lotto. Nakalikom kami ng kita na P21.9 bilyon mula Enero hanggang Oktubre sa taong ito, mula sa STL pa lamang,” pahayag ni Balutan.

Dagdag pa niya 30 porsiyento mula sa mga kita ay awtomatikong napupunta sa charity fund ng pamahalaan.

Walang humpay ang PCSO sa kampanya nito laban sa illegal gambling na naging “scourge of this country for the longest time.”

Matatandaang nitong nakaraang Nobyembre, 57 na bet collectors ng PNB ang naaresto ng National Bureau of Investigation sa Quezon City, habang 40 naman ang naaresto sa mga lungsod ng Mandaue at Cebu kasunod ng reklamo na natanggap ng PCSO mula sa kanyang ASAs.

Sa kabila ng pagbasura ng Department of Justice sa kaso na isinampa ng NBI laban sa 15 na empleyado ng Globaltech, nanindigan si Balutan na ang PNB ay iligal at hindi matitinag sa resolusyon ng DOJ para sa pagpapatupad ng mga crackdown laban sa PNB.

Kasabay nito, umapela si Balutan sa mga backer ng PNB na huminto na sa pagpoprotekta sa mga iligal na sugal at huwag gumawa ng mga pekeng isyu laban sa PCSO.

“Nung pinalawak namin ang operasyon ng STL, inaasahan na namin ang ilang uri ng paglaban mula sa mga nakikinabang sa iligal na pagsusugal. Ngunit bilang punong ahensya ng gobyerno para sa pagtataas at pagbibigay ng pondo para sa kawanggawa, patuloy naming gagawin ang sa tingin namin ay magpapalakas ng aming mga kita na pakikinabangan ng libu-libong Pilipino, “ aniya.