Tambalang Zanjoe, Angelica at Carlo, ‘di nagpatinag sa ibang love teams

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

SA nakaraang Family is Love: The 2018 ABS-CBN Christmas Concert ay parehong may production number si Angelica Panganiban sa dalawang leading man niya sa pang-umagang seryeng Playhouse na sina Zanjoe Marudo at Carlo Aquino.

Angelica, Zanjoe at Carlo

Maraming supporters sa tambalang Zanjoe at Angelica, dahil may mga humiyaw kahit nasabay sila kina Tony Labrusca at Angel Aquino, na halos magiba ang buong Smart Araneta Coliseum sa lakas ng sigawan at padyakan, mula sa pinakatuktok hanggang sa patron section.

Nakakabinging hiyawan naman ang sumalubong sa tambalang Carlo at Angelica nang lumabas sila sa entablado para sa awiting Konting Pagtingin at dinig na dinig namin ang mga hiyawang CarGel.

Grabe, hindi pa rin nawawala sa isipan ng tao ang pelikulang Exes Baggage na reunion movie ng ex-lovers.

At dahil sa lakas ng Exes Baggage ay may cameo role si Carlo sa Playhouse na lalong ikinataas ng ratings, kaya balita namin ay na-extend ang karakter ng aktor sa serye bilang si Dr. Harold Miguel, na nanliligaw na ngayon kay Angelica as Patty.

Hiwalay na kasi sina Patty at Marlon (Zanjoe) bilang mag-asawa sa serye kaya umeksena na si Harold.

Pero nagseselos si Marlon kapag nakikita niyang magkasama at masaya sina Doc Harold at Patty.

Inamin na rin ni Patty sa anak-anakang si Robin na gusto niya si Doc Harold. At si Marlon mismo ang may gustong maghiwalay sila at masaya sa kasalukuyang set-up nila.

Kaya imbes na magmukmok si Marlon ay sineryoso na nito ang pagsama kay Isabelle Daza as Lea na may gusto sa kanya.

Unang date nila ay nag-yoga sila kaya nanakit ang katawan ni Marlon at dinalaw ni Patty at pinayuhang magpahinga. Pero dumalaw din si Lea at niyayang mag-yoga ulit si Marlon para masanay ang katawan sa sakit.

Pinigilan ni Patty at mas alam niya dahil PT (physical therapist) siya.

Cliffhanger ang episode nitong Huwebes kung sino ang susundin ni Marlon, ang ex-wife o ang babaeng may gusto sa kanya?

Bagay sina Zanjoe at Isabelle as partners at mas lalong bagay sina Carlo at Angelica kaya hindi kaya sa ending ay sila-sila ang magkatuluyan na para mas masaya si Robin, na gustung-gusto rin ang Tito Harold niya para sa nanay-nanayan niya?

Anyway, pinakidnap si Robin ni Maxene Magalona (Natalia), na tita ng bagets para maging grounds na mapawalang-bisa ang pagiging guardian ni Patty sa pamangkin at makuha nito ang sole custody sa bata dahil sa kayamanan nito.

Sino kaya kina Marlon at Harold ang makakapagligtas kay Robin?

Abangan ang mga susunod na episodes ng Playhouse sa ABS-CBN pagkatapos ng It’s Showtime.

-REGGEE BONOAN