Mobile app para sa Sinulog 2019, mada-download na

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

MAAARI nang mag-download ang mga deboto ng Señor Santo Niño ng pinagandang bersiyon ng mobile application para sa Sinulog 2019, bago pa sumapit ang Pasko.

Gayunman, ang digital companion ng pinakaenggrandeng kapistahan sa bansa ay opisyal na ilulunsad sa Enero 4, 2019, ayon kay Cebu City Councilor Dave Tumulak.

“The 2019 upgrade shall delight revelers. The app seeks to enhance the Sinulog experiences that devotees and revelers love during the festival,” sabi ni Tumulak, na namumuno sa Sinulog Foundation Executive Committee.

Ipinagdiriwang taun-taon tuwing ikatlong Linggo ng Enero upang bigyang-pugay ang patron ng Cebu na si Señor Sto. Niño, nagtatapos ang Sinulog sa isang linggo na tinatampukan ng napakaraming pangrelihiyon at pangkulturang aktibidad, kasabay ng mga kasiyahan at pagtatanghal.

Milyun-milyong deboto at makikisaya ang inaasahang dadagsa sa iba’t ibang lugar sa Cebu City para sa prusisyon sa Enero 19, habang kinabukasan, Enero 20, naman ang enggrandeng Sinulog parade.

Ayon kay Tumulak, ang mobile app ay nilikha ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña sa layuning mahikayat ang mas nakababatang henerasyon na makiisa sa isa sa pangunahing kapistahan sa bansa.

Dagdag niya, inaantabayanan na ng alkalde ang selebrasyon sa 2021 para sa ikalimang sentenaryo ng pagdating ni Ferdinand Magellan sa Cebu noong Marso 1521.

Bukod sa iba’t ibang pangunahing aktibidad na ikinatuwa ng publiko sa Sinulog 2018 app, maaari na ring itakda ng mga deboto ang kanilang dadaluhang gawain sa “Favorites” feature ng in-upgrade na app para sa selebrasyon sa susunod na taon.

Sinabi pa ni Tumulak na maaari ring makakuha ng diskuwento at rewards coupon ang mga gagamit ng app, at maaari ring manalo ng mga papremyo sa pamamagitan ng pagpo-post ng kani-kanilang litrato sa Facebook gamit ang hashtag na #SinulogMoments.

Gaya sa Sinulog 2018, muling makikibahagi ang mga gumagamit ng app sa pagpili ng gagawaran ng App Users’ Choice Award sa Sinulog Festival Queen.

Sinabi ni Tumulak na tinitingnan din nila ang posibilidad na gamitin ang choice awards ng mga gumagamit ng app para piliin ang pinakamahuhusay na dance group sa Sinulog, Sinulog idol, at pinakamagandang litratong kuha sa Sinulog.

PNA