Bullpups, wagi sa UAAP Jrs. volleyball

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

MAGAAN na ginapi ng National University ang Far Eastern University-Diliman, 25-21, 25-22, 25-21, para mabawi ang boys’ championshipsa UAAP Season 81 high school volleyball tournament nitong Miyerkules sa Filoil Flying V Centre.

Naisara ng Bullpups ang best-of-three series sa 2-0 at kunin ang ikatlong titulo sa huling apat na season.

Nanguna si Mac Arvin Bandola sa NU sa naiskor na 19 puntos at 13 blocks, habang kumana si Jomar Ocampo ng 13 puntos.

Bumida sa FEU sina Jose Magdalino Javelona na may 14 puntos, 12 receptions at siyam na digs, habang kumubra sina Jomel Codilla at Ranz Cajolo ng tig-10 puntos para sa Baby Tamaraws.

Tinanggap ni Javelona ang season MVP award at 1st Best Outside Spiker.

Ang iba pang nagwagi sa individual awards ay sina University of Santo Tomas’ Rey Miguel de Vega (2nd Best Outside Spiker and Best Server), Lorenz Señoron (Best Opposite Spiker) and Tracy Prudenciado (Best Libero), Adamson University’s Nathaniel del Pilar (1st Best Middle Blocker), NU’s Ocampo (2nd Best Middle Blocker) at Diogenes Poquita (Best Setter).