P200k cash, P500k alahas, na-Termite sa Tayabas

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

TAYABAS CITY, Quezon – Nilooban at ninakawan ng tatlong hinihinalang miyembro ng Termite Gang ang isang sanglaan at tinangay ang mahigit P200,000 cash at iba’t ibang alahas na umaabot sa kalahating milyong piso ang halaga, sa Barangay Angelez, Zone 3 sa Tayabas City, Quezon, natuklasan nitong Lunes.

Pagmamay-ari ni Jose Miguel Glenn Gregorio, 57, ng Bgy. Gulang-Gulang sa Lucena City, ang Unit Trade Pawnshop.

Sinabi ni Gregorio sa pulisya na natangay ng mga suspek ang P213,803 cash sa safety vault ng sanglaan, gayundin ang nasa P500,000 halaga ng iba’t ibang alahas.

Ayon sa police report, bandang 10:00 ng umaga nitong Lunes nang matuklasan ni Jeff Dimaapi, empleyado sa sanglaan,ang panloloob at kaagad itong iniulat sa Tayabas City Police.

Natuklasan sa imbestigasyon na dumaan sa kanal, na nasa harap ng establisimyento, ang mga suspek papasok sa sanglaan.

Natukoy din sa report na walang security guard sa sanglaan nang mangyari ang panloloob.

Nasamsam ng pulisya mula sa loob ng sanglaan ang ilang gamit na naiwan ng mga suspek, kabilang ang isang heavy duty Jack, hand drill, pliers, dalawang bakal na crow bar, apat na flash light, isang drop forged steel, 24-inch volt cutter, mga screw driver, guwantes, at mahigit P200,000 cash na hindi nakuha sa isa pang safety vault.

Nag-iimbestiga na ang pulisya habang sinusuri ang mga kuha ng CCTV cameras sa lugar upang makilala ang mga suspek.

-Danny J. Estacio