Luzviminda costume ni Catriona, bidang-bida sa Miss Universe

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

MALAYO sa tradisyunal na Filipiniana outfit, inirampa ni Miss Philippines Catriona Gray ang kanyang kakaibang national costume sa pre-pageant show para sa 2018 Miss Universe sa Bangkok, Thailand, nitong Lunes ng gabi.

CATRIONA copy

Bagamat hindi kasama ang national costume parade para sa pagpili ng semi-finalists, isa sa pinakapinalakpakan na national costume show ang kay Catriona, na tinawag na “LUZVIMINDA: Magdiwang. Lumaban. Pagyamanin.”

“I want to represent the Philippines in all forms. When people see the Philippine sash, it’s just a word on a sash, but really, we’re made up of so many different places and so much different aspects to our culture,” pagbabahagi ni Catriona sa ABS-CBN ilang oras bago ang parade.

Ang bonggang national attire ni Catriona ay pinagtulungan ng parol make na si Eric Quiwa, ng fashion designer na si Jearsond para sa pintados catsuit, ng architect-artist na si Carlos Buendia Jr., at ng popular heel maker nasi Jojo Bragais.

Ayon kay Buendia, kinakatawan ng Luzon ang sikat na mga parol ng Pampanga, na may brass border na disenyo, at gawa pa sa Apalit.

Sa likod ng parol ay bubulaga naman ang painting na napapalibutan ng nakasulat na pambansang awit ng Pilipinas, ang Lupang Hinirang na nasa Baybayin. Tampok din sa obra ang tagumpay, mga kapistahan, kaganapan, mga bayani, at mga pambansang sagisag, kasama ng estilo mula sa mga obra ni National Artist Carlos “Botong” Francisco.

Kinatawan naman ng mga tattoo ang indibiduwal na paglalakbay at pakikipaglaban, katapangan at kalakasan, na kumakatawan sa katapangan at “resilient spirit” ng mga Pilipino sa gitna ng mga pinagdadaanang pagsubok sa kasalukuyan, pagbabahagi ni Buendia.

Dagdag pa niya, authentic ang tattoo pattern na base sa manuskritong “Boxer Codex” na isinulat noong 1590.

Naglalarawan naman sa isla ng Mindanao ang headpiece at brass accessories mula sa South Cotabato at ang customized na boots na may burda ng iba’t ibang indigenous pattern mula sa katimugang bahagi ng bansa, sa mga Manobo, Maguindanao, Yakan, Maranao, Bagobo, at T’boli.

“I am super proud of Catriona who slayed the runway. There’s no part of that national costume that is not Filipino,” pahayag ni Bragais pagkatapos ng show.

May ilang ulat naman na ang parol-inspired na bahagi ng costume ni Catriona ay dapat na iilaw habang rumarampa ngunit hindi ito pinayagan ng mga organizer.

Sa Huwebes, inaasahang maglalaban-laban sa swimwear at evening gown competitions ang 94 na kandidata, na ayon sa mga organizer ay tutukoy sa semi-finalists kasama ang interview portion sa finals ng Miss Universe 2018, sa Disyembre 17.