‘MMK’ episode nina Arjo at Ria, trending

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

UMANI ng papuri sa netizens ang Maalaala Mo Kaya episode ng Sibuyan siblings na pinagbidahan ng magkapatid na Arjo at Ria Atayde nitong Sabado, Disyembre 8, dahil sa napaka-natural nilang pag-arte.

Untitled-1

“Effortless, napaka-natural,” ito ang mga nabasa naming komento ng netizens.

Base sa kuwento ni Rosedel (Ria) ay ang kuya Armin (Arjo) niya ang compass sa buhay niya dahil kapag wala sa tabi niya ay nawawala rin ang disposisyon niya sa buhay tulad ng mabuntis siya nang wala sa tamang panahon.

Nag-aral kasi sa Maynila si Armin at naiwan sa isla ng Sibuyan (Romblon) si Rosedel. Marahil ay name-miss ng dalaga ang kuya niya kaya nahulog ang loob sa kasintahang ginamapanan naman ni Alex Medina, na naging asawa niya hanggang sa nagkaroon sila ng dalawang anak at bawian ng buhay ang huli.

Sa madaling salita, ganu’n sila ka-close magkapatid kahit nagkaroon na sila ng kanya-kanyang pamilya.

Marahil kaya sina Arjo at Ria ang napiling gumanap sa true to life story nina Armin at Rosedel ay dahil ganito talaga ang samahan ng magkapatid simula mga bata palang.

Hanggang ngayong mga binata’t dalaga na at parehong nasa showbiz ay madalas pa ring magsabihan ng kani-kanilang saloobin sina Arjo at Ria at pati nga sa love life, ‘di ba? Ang aktres ang kasama ng aktor nang magbakasyon sa Bali, Indonesia, kasama ang mga kaibigan kabilang na si Maine Mendoza, kamakailan lang.

Nang pasukin ni Ria ang showbiz pagkatapos niyang mag-aral ay suportado siya ng kuya Arjo niya at talagang pinu-push siya nito lalo na sa pag-arte. Ngunit siyempre, iba pa rin ang suportang ibinibigay ng nanay nilang si Sylvia Sanchez.

Parehong pangarap nina Arjo at Ria na maka-trabaho ang isa’t isa kaya naman nang i-offer sa kanila ang MMK #Sibuyansiblings ay excited ang dalawa dahil sa wakas ay natupad na rin ang matagal na nilang inaasam-asam.

Pangalawa ang #MMKSibuyanSiblings sa nag-trending nitong Sabado kaya ang saya-saya ng buong pamilya Atayde at talagang may pa-viewing party pa ang mag-asawang Sylvia at Art Atayde sa bahay nila, na dinaluhan naman ng mga kaanak at kaibigan nila.

Isang oras bago umere ang MMK ay napansin ni Ibyang na hindi mapakali si Ria. Nag-post pa nga siya at caption nito, “Hahahaha di s’ya mapakali kabado, ‘yan itsura ni @ria potpot dito habang papalapit ng papalapit ang #mmksibuyansiblings lakad ng lakad ikot ng ikot dito sa dining ahaha andon ‘yong lalapit sa daddy n’ya at yayakap, smile na floating s’ya ahahaha relaks anak, naniniwala akong kaya mo!! Ako kya #no1fan mo, need mo lang ng YAKAP (akapmahigpit) para ma aassure ka na kaya mo yang role na yan potpot, KAYA mo!!! Ikaw pa? Oo nga naman, sinong hindi kakabahan, e, kasama ni Ria ang kuya Arjo niya at given nang mahusay na aktor talaga ang binata, kaya nasa aktres ang lahat ng pressure.

Pero pasado si Ria sa veteran actresses dahil sinabihan nila si Ibyang na, “huminga ka na Jojo (tunay na pangalan ni Sylvia), kagagaling ng mga anak mo. Malupit mag-deliver ng lines si Arjo, iyak naman ako kay Ria.”

Teary-eyed naman ang nanay nina Arjo at Ibyang sa lahat ng papuring natanggap mula sa mga nanood, na habang nanonood ng MMK ay walang tigil sa katutunog ang kanyang cellphone.

-REGGEE BONOAN